(Umiiral na kasunduan ng US at PH ipawalang bisa) VFA COMMISSION PINAKILOS NA NI DUTERTE

Salvador Panelo

INATASAN na ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte ang Visiting Forces Agreement (VFA) Commission na simulan na ang proseso ng pagpapawalang bisa sa umiiral na kasunduan sa pagitan ng Filipinas at Estados Unidos.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, inabisuhan na ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang iba pang miyembro ng VFA Commission kabilang sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, na siyang vice chairman ng komite ang nais ni Pangulong Duterte na pagkansela sa VFA.
“So according to Secretary Locsin, he’s supposed to be departing anytime, a few hours from now to the US but he said he has already called the committee to start the process…of terminating,” sabi ni Panelo.
Bagaman nag-tweet na rin si Locsin na magtutungo siya sa Estados Unidos ay sinabi niyang may ibang agenda ang kanyang pagtungo doon.
Inihayag naman ni Locsin na agad na niyang sinimulan ang proseso ng pagkansela ng VFA at ipinaabot na rin sa kaalaman ng Senado.
Sinabi ni Panelo na hindi nagustuhan ng Pangulong Duterte ang ginawang pagkansela ng Estados Unidos sa visa ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na dating pinuno ng pambansang pulisya na malaki ang naging partisipasyon sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Nauna nang kinumpirma ni Dela Rosa na kinansela ang kanyang US visa, subalit hindi malinaw kung ito ay may kaugnayan sa bagong batas ng Estados Unidos na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na responsable sa patuloy na pananatili sa kulungan ni Senadora Leila de Lima.
Sa kanyang talumpati noong Huwebes ng gabi sa Leyte, nagbanta si Pangulong Duterte na kanyang ka-kanselahin ang VFA kung hindi itatama ng Estados Unidos ang pagkansela sa US visa ni dela Rosa.
Sa pahayag ng Pangulo, binibigyan lamang nito ang Manila at Washington ng isang buwan upang tapusin ang naturang usapin.
“I asked him (Duterte) last night when will the process start. (He said) tonight,” dagdag pa ni Pa­nelo.
Magugunitang nilagdaan sa pagitan ng Filipinas at Estados Unidos ang VFA noong Pebrero 10, 1998 na nagbibigay kalayaan sa mga armed forces ng Estados Unidos na magsagawa ng military exercises sa bansa anumang oras.
Pinaliwanag ni Pa­nelo na ang terminasyon ng VFA ay magiging epektibo sa loob ng 180 araw makaraang mabigyan ng abiso ang isa sa mga party ng hangaring wakasan na ang nabanggit ba kasunduan. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.