PHNOM PENH. – Nagtala sina Tokyo Olympics silver medalists Carlo Paalam at Nesthy Petecio ng convincing wins upang pangunahan ang nine-gold haul ng Pilipinas at lagpasan ang Singapore para sa fifth place sa 32nd Southeast Asian Games kahapon dito.
Pinamunuan nina Paalam at Petecio ang 3-of-5 golden finish ng Pinoy pugs sa pagtatapos ng boxing competitions habang nagbigay ang arnis ng dalawang golds at may tig-iisa ang weightlifting, judo, esports at wrestling hanggang alas-8 ng gabi.
Dinomina ni Paalam, nagwagi ng silver sa flyweight class sa Tokyo si Aldoms Suguro ng Indonesia upang pagharian ang men’s bantamweight class habang ginapi ni Petecio ang kanyang Indonesian rival sa women’s featherweight division.
Nanalo rin ng gold medal si Paul Bascon kontra Rujakran Juntrong ng Thailand sa kanilang light welterweight finals clash kung saan tinapos ng Pinoy pugs ang kanilang kampanya na may 4 gold medals, kasama ang panalo ni featherweight Ian Clark Bautista noong Sabado.
Inumpisahan ni weightlifter Elreen Ando ang pananalasa ng Piliipinas sa pagtala ng bagong records tungo sa panalo sa 59kg class, at sinundan ito ni judoka Rena Furukawa nang mapanatili ang kanyang under 57kg women’s tiara.
Nakopo ng Esports ang ikalawang gold nito sa pamamagitan ng Sibol men’s team na winalis ang Malaysia, 3-0, sa finale ng Mobile Legends: Bang Bang event habang nadominahan ni wrestler Jason Balabal ang 82kg class.
Ibinigay nina Charlotte Ann Tolentino at Jedah Mae Soriano ang unang dalawa sa inaasahang maraming gold sa arnis, makaraang magwagi sa women’s full contact padded stick finals sa bantamweight at lightweight events, ayon sa pagkakasunod.
Ang 9-gold haul ay nagbigay sa Pinoy contingent na suportado ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee ng kabuuang 46 gold medals, sapat para kunin ng bansa ang fifth place sa unahan ng Singapore, na ang gold medal production ay napako sa 42 going papasok sa huling dalawang araw ng aksiyon.
Gayunman ay malabo nang mapantayan ng bansa ang fourth place finish noong nakaraang taon sa Vietnam, lalo na’t ang Indonesia af Cambodia ay umabot na sa 60-gold mark.
Ang Vietnam ay patungo na sa muling pagkuha sa overall crown sa paglapit sa 100-gold mark, habanh sigurado na ang Thailand sa second bago ito maging hosts sa susunod na edition ng games sa 2025.