UNANG GINTO SA PINAS

Hidilyn Diaz

JAKARTA — Ibinigay ni Hidilyn Diaz sa Fi­lipinas ang unang ginto nito sa 2018 Asian Games makaraang madominahan ang women’s 53kg division sa weightlifting sa Jakarta International Expo dito kahapon.

Tinalo ng Rio Olympics silver medalist si Turkmenistan’s Kristina Shermetova upang hablutin ang kanyang kauna-unahang gold medal sa kanyang Asian Games career.

Salamat sa weightlifting heroine, napantayan na ng Filipinas ang total gold medal output sa 2014 Asiad sa Incheon, South Korea sa Day 3 ng kum-petisyon dito.

Samantala, nagkasya si Pauline Lopez ng Filipinas sa bronze medal sa women’s-57 kilogram event sa taekwondo makaraang yumuko kay Luo Zongshi ng China.

Hindi naitago ng 22-anyos na Psychology student sa Ateneo de Manila University ang kanyang pagkadismaya at napaiyak matapos ang kontrob-ersiyal na laban.

Naghahabol sa 0-2 sa first round, umiskor si Lopez ng dalawang puntos habang pumuntos ng dalawa pa ang Chinese para sa 2-4 sa second.

Kumawala ang Chinese sa third round na may pitong decisive hits.

Nakahabol si Lopez sa 4-7 sa third round at bumanat ng dalawa pang kicks subalit hindi ito nairehistro sa electronic scoreboard. Kagyat na nag-protesta ang  coaching staff ng Pinay jin at isa sa dalawang match officials ang tinawag ang atensiyon ng dalawang miyembro ng jury, na kalaunan ay iginawad ang isang puntos kay Lopez.

Subalit, pinatawan ang Pinay jin ng tatlong gami-jeom (deduction penalty) sa third round, na pumawi sa kanyang pag-asa na makapasok sa gold medal round.

“I had the chance but the plan didn’t work according to what it should be. I was going for it, I did my part but it’s just it was not there for me,” pa-hayag ng dismayadong si Lopez.

Umabante si Lopez sa semifinals nang madominahan sina Gyani Chunara ng  Nepal, 20-0, sa  quarterfinals at Xiao Feng ng Macau, 8-0, sa Round of 16.

Ito na ang ikatlong bronze medal ng taekwondo makaraang pumangatlo ang men’s at  women’s poomsae teams, at ikaapat sa kabuuan ng Pinas, kasama ang kay Agatha Chrysrtenzen Wong sa wushu.

Napanatili naman ng Blu Girls ang kanilang malinis na record upang manatili sa medal hunt sa softball competition sa Gelura Bung Karno diamond.

Sumandal ang Pinas sa run scoring sa fifth inning ni Filipino-American F. Altomonte at nagsanib-puwersa sina Fil-Am SA Lange at Ke Jalandoni upang gapiin ang pinapaborang China, 1-0.

Walang ibinigay na hit si Lange sa first inning bago ipinasa ang pitching job kay Jalandoni na tinapos ang seven-inning encounter na walang run at iposte ang tatlong sunod na panalo matapos madominahan ang Hong Kong, 10-0, at Korea, 5-3.

Ilang Pinoy ang lumasap ng kabiguan, kasama si Arianna Dormitorio na  natalo sa Mountain Bike Cross Country. CLYDE MARIANO

Comments are closed.