CAMP CRAME – MATIWASAY pangkalahatan ang paggunita sa Todos Los Santos ng sambayanang Filipino kahapon at pagkakaroon ng magandang panahon.
Una rito, magugunitang ipinag-utos ni PNP Chief, DG Oscar Albayalde na itaas ang antas ng alerto sa buong bansa kaugnay sa kanilang Ligtas Undas 2018 kasabay sa pagtatalaga ng mahigit 30,000 police personnel sa mga sementeryong inaasahang dadagsain ng sambayanan.
Sa Metro Manila, kung saan inaasahang aabot sa apat na milyon na Filipino ang dadalaw sa mga sementeryo ay sinasabing nag-ing mapayapa sa pangkalahatan sa unang mga oras ng paggunita ng Undas ngayong taon.
Ayon kay PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Guillermo Eleazar, simula umaga ng Huwebes, walang naitatalang untoward incidents sa mga sementeryo.
Dahil naging maganda na ang panahon kahapon ay maaga pa lamang ay nagsimula nang dumagsa ang libo-libong bisita sa sementeryo para gunitain ang Undas sa mga puntod ng kanilang namayapang mahal sa buhay.
Sa Manila North Cemetery, pumalo na sa mahigit isang milyon ang bilang ng mga bumisita sa puntod ng kanilang mga yumaong kamag-anak pagsapit ng alas-1 ng hapon, habang nasa 122 libo naman ang naitala sa Manila South Cemetery bandang tanghali.
Sa North Cemetery sa Maynila ay inaasahang aabot sa 2 milyon ang magdadagsaan sa buong maghapon habang inaasahang aabot naman sa 400,000 ang magtutungo sa South Cemetery sa lungsod ng Makati.
Sa Loyola Memorial Park sa Marikina, naitala ang 10,460 bisita bandang alas-11 ng umaga.
Sa personal na pangangasiwa ni NCRPO Dir. Guillermo Eleazar, hanggang sa sumapit ang hapon ay nanatiling maayos ang kalagayan sa mga sementeryo at wala pang naitatalang karahasan.
Maagang nag-ikot si Eleazar sa mga sementeryo sa Metro Manila para personal na tingnan ang sitwasyon at ang ipinatutupad na seguridad.
Nagsidagsaan na rin ang mga pasahero sa mga bus terminal na bibiyahe paprobinsiya para sa Undas.
Inaasahan hanggang ngayon, ay marami pa ring ang magpupuntahan sa mga sementeryo lalo na ang mga umiwas sa trapiko at sobrang siksikan sa pagpasok sa mga gate ng mga sementeryo.
Bahagya lamang nagkaroon ng antala sa pagpasok sa mga gate bunsod ng mahigpit na seguridad na ipinatutupad ng mga pulis at pagrekisa sa mga dala ng mga pumapasok. VERLIN RUIZ
Comments are closed.