SA kagustuhang magtagumpay ang itinayong beauty salon, minabuti ni Saylie M. Adarlo na mag-aral ng Beauty Care NC ll sa Southern Isabela College of Arts and Trades (SICAT). Hindi siya nabigo, dahil malaking tulong ang mga natutunan niya sa skills training upang mapatakbo ng maayos ang kanyang salon business at nakikilala na rin siya bilang beauty guru sa kanilang lugar.
Si Saylie, 31-anyos ay manager at may-ari ng V-CUTZ Hair Expert (Barbershop and Salon) sa Santiago City, Isabela. Naisipan niyang magtayo ng sariling salon business dahil ang kanyang asawa at mga biyenan ay nagmamay-ari ng isang vaciador store sa Isabela. Ito’y nag-aalok ng ‘blade sharpening services’. Bukod rito, may paninda rin silang mga beauty care products at tools.
Taong 2015, kinausap at ipinaliwanag ni Saylie sa kanyang asawa ang tungkol sa kanyang planong salon business at nang pumayag, agad niya itong sinimulan. Nagrenta siya ng puwesto at kumuha ng isang all-around beautician at hairdresser at tatlong haircutters para sa kanyang bagong bukas na negosyo.
Sumunod nito, kumuha siya ng BC NC ll at Hairdressing NC ll sa SICAT upang ihanda ang kanyang sarili sa mga kinakailangan nitong skills para sa sinimulang negosyo. Labis ang kanyang pasasalamat sa institusyon para sa komprehensibo at mahigpit na skills training programs na naayon sa kanyang pangangailangan para sa pagpapatakbo ng kanyang salon.
Para kay Saylie, mahalagang patuloy na i-motivate ang sarili para mas palawakin pa ang kaalaman. Alam nyang mahalaga ito para mas mapaunlad pa ang kanyang business. Sa ngayon, plano niyang magbukas ng isa pang sangay ng kanyang salon sa kanilang probinsiya.
Comments are closed.