US INVESTORS NILIGAWAN NI PBBM

NEW YORK, USA SA ikatlong araw dito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nakipag-usap na siya sa iba’t ibang investors at negosyante para sa posibilidad ng pagpasok ng pamumuhunan sa Pilipinas.

Kabilang din sa nakapulong ni PBBM ang mga executive ng United States-based NUscale Power.

Kaya naman nagbigay ito ng indikasyon na determinado ang Pangulo na maisakatuparan ang paggamit ng nuclear power para sa mas murang koryente sa harap ng pagnipis ng natural gas sa Malampaya.

Nabatid na nagkaroon na ng serye ng dayalogo si Pangulong Marcos sa tatlong American-based companies sa New York City kasama nga ang NusSCale Power na nag-aalok ng advanced nuclear technology.

Ang NuScale ay itinatag noong 2007 at nagbibigay ng advanced nuclear technology para sa produksiyon ng electricity, heat at clean water para mapataas ang kalidad ng pamumuhay ng tao.

Sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na naghahanap ang Pilipinas ng posibilidad ng modular nuclear power plants na inaasahang gagamitin sa mga susunod na panahon.

Ayon pa kay Romualdez, nag-alok ang Estados Unidos ng power plants na mabilis na i-develop.

“So we are seriously going to look into it. I think President Marcos is quite excited about it. As a matter of fact, I think NuScale which is a company developing this technology is now having a partnership with the local energy company here in the Philippines,” ani Romualdez.

Samantala, nakipagpulong din si Pangulong Marcos sa WasteFuel, isang Californian-based company na nagpo-produce naman ng renewable fuels.

Ang serbisyo ng WasteFuels ay ang conversion ng mga basura mula sa agrikultura sa low-carbon fuels, renewable natural gas at green methanol.

Nagkaraoon ito ng proyekto sa Pilipinas gaya ng aviation fuel.

Nakausap din ng Punong Ehekutibo ang matataas na opisyal ng Boeing, ang nangungunang global aerospace company.

Sa anim na araw na pamamalagi ni PBBM ay inaasahang marami pang negosyante ang makakapulong nito habang ang pangunahing layunin ng pagtungo nito sa US ay para sa 77th UN General Assembly, at pakikilag-usap sa iba pang lider ng mga bansang dumadalo sa naturang pulong.

EVELYN QUIROZ