OPISYAL nang aarangkada bukas ang Trilateral Maritime Exercise sa pagitan ng United States Coast Guard , Japan Coast Guard at Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon kay PCG Spokesman Rear Admiral Armand Balilo gaganapin ang trilateral maritime exercise sa dagat na sakop ng Mariveles, Bataan mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 7.
Layunin ng maritime exercise na pahusayin ang interoperability ng tatlong bansa sa pamamagitan ng communication exercises, maneuvering drills, photo exercises, maritime law enforcement training, search and rescue, at passing exercises.
Nilinaw na hindi naka tutok sa anumang bansa ang nasabing pagsasanay at walang layunin na pasidhiin ang iringan ng anumang bansa.
Nakapaloob sa mga pagsasanay ang mga senaryo na makikita ang mga tauhan ng coast guard kung saan masasabat at makakasagupa nila ang pinaghihinalaang sasakyang pandagat na sangkot sa piracy.
Kasama rin dito ang pagsagawa ng interdiction o pagsasaagwa ng boarding inspection ang joint law enforcement team mula sa tatlong coast guards na susundan ng search and rescue operation.
Isasabak ng PCG ang kanilang BRP Melchora Aquino, BRP Gabriela Silang, BRP Boracay, at isang 44-meter multi-role response vessel para makipagsabayan sa puwersa ng US at Japanese Coast Guard.
Sa kabilang banda, ang US at Japan coast guard ay magpapadala ng United States Coast Guard Stratton (wmsl-752) at Akitsushima (plh-32).
Una rito, isang arrival ceremony ang nakatakda isagawa bukas sa Pier 15, South Harbor, Manila.
VERLIN RUIZ