Laro ngayon:
(Filoil Flying V Centre, San Juan)
3 p.m. – Letran vs Mapua
(Game 2)
HANDA ang Letran sa pagresbak ng Mapua sa pagtatangka nitong makumpleto ang perfect season sa NCAA men’s basketball tournament ngayong Linggo sa Filoil Flying V Centre.
Ang panalo sa alas-3 ng hapon ay kukumpleto rin sa perfect 12-0 campaign para sa Knights sa pinaikling season. Ang long-time rival ng Letran na San Beda ang huling koponan na may undefeated season, sa pagposte ng 18-0 record noong 2010.
Ang pagkopo ng back-to-back championships – at 19th overall – ay hindi magiging madali para sa Knights, kung saan inaalala pa rin ni coach Bonnie Tan ang kaangkupan ng heart and soul ng koponan sa kanilang pagtatangka na tapusin ang Cardinals.
Nagtamo si Rhenz Abando ng left foot injury matapos ang highlight putback dunk sa third period ng 68-63 panalo ng Letran kontra Mapua sa Finals opener noong nakaraang Linggo.
Abante ang Cardinals sa malaking bahagi ng laro hanggang sa lumamang ang Knights sa huling 45 segundo sa pangunguna ni Jeo Ambohot.
Naging susi sa panalo ng Letran sa Game 1 ang kanilang championship experience.
“Heart of a champion. Talagang sinabi ko na ito na ‘yung game na hinihintay natin, ‘wag na nating sayangin ‘yung mga sacrifices natin in two months,” sabi ni Tan.
“Defense is the key, yung fourth quarter points nila naging nine points lang and yun, again, heart of a champion,” dagdag pa niya.
Ang Game 3, kung kinakailangan, ay lalaruin sa susunod na Linggo sa mas malaking venue, sa Mall of Asia Arena.