Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
1:00 pm – Awarding ceremony for individual honors
2:30 pm. – Mapua vs CSB (Game 2)
MULING sasandal ang Mapua University kay reigning MVP Clint Escamis sa pagharap nila sa College of Saint Benilde sa Game 2 para masungkit ang pinakaaasam na korona sa NCAA men’s basketball tournament ngayong Sabado sa Araneta Coliseum.
Nakatakda ang salpukan sa alas-2:30 ng hapon matapos ang awarding ceremony para sa individual honors sa ala-1 ng hapon.
Lumapit ang Cardinals sa pagputol sa 33 taong tagtuyot sa korona nang pangunahan ni Escamis ang koponan sa 84-73 panalo laban sa Blazers sa Game 1 ng kanilang best-of-three title series noong Linggo.
Ang Muralla-based team ay huling nagkampeon noong 1991 nang igupo ang San Beda College.
Pipilitin ngayon ng Mapua na tapusin na ang serye. sa pangunguna ni Escamis na kumana ng 30 puntos sa huli nilang laro.
Inaasahang makakatuwang ni Escamis sina JC Recto, rookie sensation Chris Hubilla at Lawrence Mangubat.
Tiyak namang gagawin ng CSB ang lahat upang mahila ang serye sa deciding Game 3.
Sasandal ang Blazers kina Allen Liwag, Gab Cometa at Jhomel Ancheta upang maipuwersa ang sudden-death.
Samantala, igagawad ngayong hapon ang individual honors kung saan nangunguna sa MVP race si Liwag.
Ang pambato ng CSB ay may averages na double-double 14.6 points at 11.3 rebounds, na sinamahan ng 2.3 assists at 1.2 blocks.
Malayo si Escamis sa stats, pero pang-MVP ang performance nito sa playoffs, makaraang humataw ng career-high 33 points, 4 rebounds, 3 assists, at 2 steals nang talunin ng Mapua ang Lyceum of the Philippines University, 89-79 sa semifinals.