VISUAL GRAPHIC DESIGN GRAD NG TESDA, WORLDSKILLS MEDALIST

TESDA

“AS a competitor po, nais ko pong magpasalamat sa TESDA because they gave me a once in a lifetime opportunity na makipag-compete ‘di lang po locally but internationally as well while honing my skills.”

Ramon BautistaPahayag ito ni Ramon “Bong” Bautista, 21,  isa sa mga pambatong technical-vocational competitors ng  Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) bilang kinatawan ng Filipinas  sa  mga WorldSkills competitions partikular sa larangan ng Graphic Design Technology.

Si Bong, taga-San Fernando, Pampanga ay nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Information Technology (BSIT) noong 2018 sa  St. Nicolas College of Business and Technology (SNCBT), isa sa mga accredited technical-vocational institutions (TVIs) ng TESDA-Region lll. Habang nag-aaral, sumailalim  siya  sa  skills training sa Visual Graphic Design NC lll noong 2017.  Dalawang beses na siyang lumahok sa international  competition at palagi itong nag-uuwi ng medalya at karangalan  para sa bansa.

Sa ginanap na WorldSkills 2019 Competition na idinaos sa Kazan, Russia, si Bong ay isa sa dalawang competitors ng bansa  na   tumanggap ng Medallion for Excellence matapos na makakuha ng score na 700 points sa 4-day competition nitong Agosto. Si Bong ay sinanay ng kanyang expert na si Ronald Alvarez.  Ang unang sabak niya sa international competition ay sa  12th Association of Southeast Asia Nations (ASEAN) Skills Competition “WorldSkills Bangkok 2018” na ginanap sa  Bangkok, Thailand noong 2018.   Nanalo siya bilang Silver Medalist sa Graphic Design Technology Cate-gory.  Siya rin ang nanalo ng Best in Nation award bilang nangungunang competitor mula sa Filipinas sa nasabing kompetisyon.

Ikinuwento ni Bong na tila  aksidente lamang ang kanyang pagkakapasok bilang   competitor ng TESDA Region lll.  Aniya, nang magpa-try-out  sa kanilang school noong 2017,  hindi siya pumasa.  Gayunpaman, nang mag-back out ang napiling competitor, siya ang tinawag na kapalit.  Siya ang inilaban sa mga provincial at  regional kung saan pawang Gold Medal ang kanyang napapanalunan, hanggang sa umabot  sa mga international competi-tions. Hobby niya ang paggawa ng mga videos at video editing na lalong nahasa at  napahusay  dahil sa mga  natutunan sa  mga sinalihang trainings at competitions ng TESDA. “Malaking tulong po ang skills training at competition, dahil po dito mas nahasa pa po ang aking skills.”

Nag-iisang anak si Bong .  Ang kanyang ina ay isang overseas Filipino worker  sa Omman habang  ang kanyang ama  ay nag-resign na bilang gov-ernment employee at namamasada ng sariling tricycle.

Sa kabila nang maayos ang kanilang pamumuhay, nagsikap si Bong upang makapagtapos sa kolehiyo at pahusayin ang kanyang mga natutunang skills na kanyang magagamit sa paghahanap-buhay o planong  pagnenegosyo. Plano ni Bong na magtayo ng Graphic Design Company, maging titser o trainer ng kanyang skills.

Payo nito sa mga kabataan, “Patuloy po silang magsumikap sa kanilang pangarap, kahit anong hirap ang kanilang dana-sin sa pag-abot nito.”

Comments are closed.