IPINAGPATULOY nang muli ng Commission on Elections (Comelec) ang voter registration sa bansa para sa 2022 presidential elections kahapon, Enero 4.
Nabatid na magtatagal ang voter registration ngayong taon hanggang sa Setyembre 30, 2021 lamang.
Ayon sa Comelec, maaaring magtungo ang mga taong nais magparehistro sa field offices ng Comelec mula Lunes hanggang Huwebes, mu-la 8:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon.
Payo naman ng Comelec, mas mainam kung bago magtungo sa mga tanggapan ng Comelec sa kanilang lugar ay mag-fill up na muna sila ng online voter registration application form at kumuha ng appointment sa irehistro.comelec.gov.ph.
Sa araw naman ng appointment, hindi dapat na kalimutan ang printed na kopya ng form, magdala ng sariling ballpen at valid ID para sa mga bagong registrant o transferees.
Mahigpit naman ang paalala ng Comelec sa mga nais magparehistro na sumunod ang lahat sa mga health protocol gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, at social distancing upang maiwasan ang pagkalat o hawaan ng COVID-19.
Ipinaalala rin ng Comelec na sarado ang kanilang mga tanggapan tuwing araw ng Biyernes dahil ito ay nakalaan para sa disinfection, maliban na lamang kung may ibang araw na itinakda ang lokal na pamahalaan para dito.
Matatandaang una nang itinigil ng Comelec ang pagrerehistro ng mga botante nitong mga nakalipas na araw bilang pagbibigay-daan sa holiday season. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.