WILLIE MARCIAL
IBABALIK ng Philippine Basketball Association (PBA) ang unlimited height sa imports sa Commissioner’s Cup ng susunod na season.
Sinabi ni Commissioner Willie Marcial na inaprubahan ng Board of Governors ang pagkuha ng imports na kahit ano ang taas para sa mid-season tournament sa susunod na taon..
Sa Governors’ Cup, na bubuksan ang Season 49 sa kalagitnaan ng Agosto, ay mananatili ang dating height limit na 6-foot-6 sa mga import.
“Pumayag na rin ang Board sa pino-propose ko na unlimited height ang import sa Commissioner’s Cup 2nd Conference,” sabi ni Marcial, isang araw matapos ang pagpupulong ng Board.
Ang huling pagkakataon na pinayagan ng liga ang walang height limit para sa imports ay noong 2016 Commissioner’s Cup, bagama’t ang bottom four teams lamang mula sa naunang Philippine Cup ang pinayagang kumuha ng import na may unlimited height.
Binanggit din ni Marcial ang tungkol sa pagbabalik ng PBA ng two-import format sa isang conference, lalo na kapag pumayag ang guest team na kinakausap ng liga na maglaro sa Commissioner’s Cup.
Gayunman ay tumanggi si Marcial na banggitin ang pagkakakilanlan ng posibleng guest ballclub.
“As of now, bukas sila (Board) sa two imports. Sigurado yun pag sumali yung kausap namin, baka mag two imports tayo,” ani Marcial.
Ang pagkakaroon ng dalawang imports ng kada koponan ay ginawa na noong 80s hanggang 90s at nagpasikat sa explosive tandem nina Billy Ray Bates at Michael Hackett ng Ginebra, Michael Young at Haroled Keeling ng Manila Beer, Tanduay’s Andre McKoy at late Rob Williams, Anejo’s Tommy Davis at Joe Ward, Michael Phelps at Norman Black para sa San Miguel, at Mobiline’s Silas Mills at Artemus McClary.
CLYDE MARIANO