WALA PANG TRAVEL RESTRICTIONS SA ITALY, IRAN AT SG

Francisco Duque III

NILINAW ni Health Secretary Francisco Du­que III na wala pang travel restrictions na ipinatutupad ang pamahalaan laban sa mga coronavirus-hit countries gaya ng Japan, Singapore, Italy at Iran.

Sa isang pulong balitaan nitong Miyerkoles, sinabi ni Duque na matapos ang isinagawang health risk assessment ng Inter-Agency Task Force (IATF) ay nagdesisyon silang huwag na munang isama ang mga naturang bansa sa travel restrictions.

Paliwanag niya, ikinokonsidera pa kasi ang mga ito bilang ‘medium-risk countries’ at mayroong mababang bilang ng mga biyahero sa Fi­lipinas.

“Ang IATF, matapos mabigyan ng health risk assessment results ng technical working group ng Department of Health (DOH), ang na­ging pasya ay hindi natin sila isasama. I think nasa medium risk lang sila,” ayon kay Duque.

Nabatid na ang Italy ay mayroon ng 2,502 confirmed COVID-19 cases, na may 79 deaths; habang ang Iran ay mayroon namang 2,336 confirmed cases ng sakit na may 77 deaths, hanggang nitong Martes.

Ang bansang Japan naman ay mayroong 268 confirmed cases na may 12 deaths, ngunit hindi kasama rito ang mahigit 700 kaso ng karamdaman na naitala sa MV Diamond Princess cruise ship, na unang isinailalim sa quarantine roon.

“As I said the IATF felt that the ban for Iran is not called for as of now. Kasi ‘yung volume of travelers mababa,” anang kalihim.

“So ‘yung risk of spread, risk of entering the Philippines of any infected case mababa rin. We leave it at that. But this is a day-to-day assessment,”  aniya pa.

Una nang nagpatupad ang Filipinas ng travel restrictions laban sa mga bansang matinding tinamaan ng virus gaya ng China, Macau, Hong Kong, at South Korea dahil sa banta ng CO­VID-19. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.