WALANG plano ang Philippine Competition Commission (PCC) na magtakda ng cap sa bilang ng motorcycle taxis na papayagang bumiyahe sa bansa.
Makahihikayat din umano ito ng marami pang players na pumasok sa lumalaking motorcycle taxi industry sa bansa bukod sa makikinabang dito ang mga komyuter.
Ang mga puntong ito ay ipinarating ng kinatawan ng PCC sa joint hearing ng Senate committee on public services at local government na tumalakay sa panukalang i-regulate at gawing legal ang motorcycles-for-hire para matiyak na ito ay ligtas, epektibo at abot-kayang uri ng pampublikong transportasyon.
Nang itanong ni Senate committee on public services chairperson Grace Poe ang posibleng pagpasok ng Grab Philippines sa motorcycle taxi industry, sinabi ni PCC Executive Director Kenneth Tane na: “In terms of market situation, more players would be better for consumers.”
“If we are going to apply competition principles, no cap would be better given that it would benefit the consumers,” dagdag pa niya.
Sa guidelines ng Department of Transportation-backed Technical Working Group, tatlong transportation network companies lang ang pinayagang mag-operate sa ilalim ng tatlong taong pilot program — ang Angkas, na may tinatayang 50% market, JoyRide at Move It.
Ang equal allocation para sa tatlo sa ilang pilot areas ay ang mga sumusunod: 45,000 sa National Capital Region; 9,000 sa Cebu; at 9,000 sa Cagayan De Oro.
Ayon kay Poe, sinusuportahan ang legalisasyon ng motorcycles-for-hire sa pamamagitan ng isang batas, hindi dapat magtakda ng limitasyon kung papayagan ang iba pang kompanya tulad ng ginagawa ng Grab sa Thailand at iba pang bansa para sa mas malayang kumpetisyon.
“In terms of slots, there is no cap for motorcycles in the countries we operate,” sabi ni Grab Senior Executive Vice President Lim Yew Heng na nakabase sa Singapore.
Nag-ooperate din ang Grab ng motorcycle taxis sa Indonesia, Vietnam at Thailand.Sa statement na pinadala sa Senado, sinabi ni Lim na sinusuportahan ng Grab ang panukala na gawing legal ang motorcycle taxis.
“Passing a law that regulates motorcycle taxis stabilizes the regulatory environment, which will encourage healthy competition. The sooner this is done, the better for consumers, who under the current setup can only choose between three motorcycle taxi companies,” ayon sa Grab executive.
At sa tinatayang 2.5 milyong bagong motorsiklong nakarehistro sa Pilipinas, sinabi pa ni Lim na ang pag-legalize ng motorcycle taxis ay magbibigay ng kabuhayan para sa mga Pilipino at dagdag na kita naman para sa gobyerno.
-VICKY CERVALES