WALANG FARE HIKE SA MRT

MRT-8

TINIYAK ng Department of Transportation (DOTr) sa publiko na walang pagtaas sa pasahe sa Metro Rail Transit kahit pa isasailalim sa rehabilitasyon ang buong linya nito sa susunod na taon.

Sinabi ni DOTr Undersecretary for Railways Timothy John Batan na malinaw ang atas sa kanila ni Transportation Secretary Arthur Tugade na unahin ang pagsasaayos ng serbisyo para sa kapakinabangan ng mga pasahero bago isipin ang karagdagang kita mula sa mga ito.

“Mariin na instruction ni Secretary (Arthur) Tugade na hindi tayo mag-i-increase ng anumang pasahe hangga’t hindi na-raramdaman ng ating mga commuter ang improvements sa services ng MRT-3,” ani Batan.

Ang MRT-3 ay huling nagtaas ng pasahe noong Enero 2015 sa P11 bilang  base fare at karagdagang P1  per kilo­meter.

Noong Huwebes ay nilagdaan ng mga pamahalaan ng Filipinas at Japan ang P18-billion loan agreement para sa rehabilitasyon ng MRT-3.

Ang loan deal ay nilagdaan nina Finance Sec. Carlos Dominguez III at Japan International Cooperation Agency (JICA) Senior Vice President Yasushi Tanaka sa tanggapan ng Department of Finance (DOF) sa Manila.

Ang loan ay may interest rate na  0.1 percent per year, na may repayment period na 28 taon matapos ang grace period na 12 taon.

Magbabalik ang Sumitomo-Mitsubishi Heavy Industries ng Japan upang pangasiwaan ang pagmamantina at rehabilitasyon ng MRT3.

Ang Sumitomo-Mitsu­bishi Heavy, bilang orihinal na MRT3 maintenance contractor, ang nagdisenyo at nagtayo ng mass rail transit system, at nagsilbing maintenance contractor nito sa unang 12 taon ng operasyon.

Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, ang MRT3 rehabilitation project ang magiging solusyon sa lahat ng problema na kinakaharap ng rail transit.

“It will rehabilitate them all, including replacement of worn out tracks, upgrading the train signaling system, and general overhaul of the 72 15-year-old LRVs (light rail vehicles),” anang DOF chief.

Sa ilalim ng proyekto, ang bilang ng train sets ay gaga­wing 20 mula 15,  da­dagdagan ang speed sa 60 kilometers per hour, at babawasan ang oras sa paparating na trains sa 3.5 minuto.

Inaasahang matatapos ang rehabilitasyon sa loob ng 43 buwan – rehabilitation works sa ­unang  26 buwan, at general overhaul ng 72 light rail ­vehicles sa susunod na 17 buwan.

Sa ilalim ng rehabilitasyon sa MRT na tatagal hanggang 2022, isasaayos ang lahat ng sub-components ng MRT 3 tulad ng pagpapalit ng riles, power supply at makina sa mga bagon, gayundin ang pagdaragdag ng mga gamit sa depot at general overhaul sa mga lumang bagon nito.

Comments are closed.