WALANG KAYOD NA PINOY NABAWASAN (11.9M sa Q3 ng taon — SWS survey)

sws

BUMABA ang bilang ng mga walang trabahong Pinoy sa third quarter ng taon, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).

Lumitaw sa survey na mula sa 13.5 million noong Hunyo 2021, ang jobless Filipinos ay nabawasan sa 11.9 million noong Setyembre. Katumbas ito ng 24.8% ng adult labor force, na mas mababa ng 2.8 points kumpara sa 27.6% na naitala noong Hunyo.

Gayunman, sinabi ng SWS na ang joblessness sa third quarter ng 2021 ay mas mataas pa rin ng 5 points kumpara sa 19.8% average noong 2019 bago ang COVID-19 pandemic.

Sa survey ng SWS ay lumitaw na walang trabaho ang mga Pinoy dahil umalis sila sa dati nilang trabaho, naghahanap ng kanilang unang trabaho, o nawalan ng trabaho dahil sa “economic circumstances beyond their control.”

Ang Visayas lamang ang nagtala ng pagtaas sa joblessness, mula 21.3% noong Hunyo 2021 sa 22.6% noong Setyembre.

Nabawasan ang walang trabaho sa Metro Manila, na may pinakamataas na bilang ng unemployed sa 34%; Balance Luzon sa 27%; at Mindanao, na may pinakamababang joblessness sa 16%.

Sa hanay ng mga kababaihan, ang bilang ng walang trabaho ay bumaba sa 32.3% noong Setyembre mula 38.3% noong Hunyo, ayon pa sa survey. Sa mga kalalakihan, ang unemployment ay bahagyang bumaba mula 19.8% noong Hunyo sa 19.3% noong Setyembre.

Isinagawa ang survey mula  Setyembre 12 hanggang 16, 2021, gamit ang face-to-face interviews sa 1,200 adults (18 years old and above) sa buong bansa: tig-300 sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.