(Sa kabila ng 15-year high rice inflation) WALANG PRICE CAP SA BIGAS

Rice Photo by Rappler

WALANG plano ang Department of Agriculture (DA) na magrekomenda ng price ceiling o suggested retail price (SRP) sa bigas sa kabila ng pagtaas ng inflation nito sa 24.4 percent noong Marso.

“Wala kaming plano na magkaroon ng price cap or SRP kasi medyo may mga mabigat din na epekto iyan pagdating ng panahon,” wika ni Department of Agriculture Assistant Secretary Arnel De Mesa sa isang news forum noong Sabado.

Ang rice inflation noong nakaraang buwan ay mas mataas sa 23.7 percent na naitala noong Pebrero at pinakamataas magmula noong 2009.

Ipinaliwanag ni De Mesa na ang pagtaas ay dahil sa mababang base effect sa kaparehong panahon noong 2023, noong ang bigas ay ibinebenta sa halagang P39 hanggang P40 kada kilo.

Aniya, ang mataas na rice inflation ay posibleng magtagal hanggang Hulyo at bababa sa Agosto o Setyembre.

Samantala, sinabi ni De Mesa na bumaba na ang retail price ng bigas mula P52 noong nakaraang buwan sa P50 hanggang P49 sa kasalukuyan.

“So iyong presyo ng bigas ay bumababa versus last month pero versus last year ay tumaas,” aniya.

Samantala, sinabi ng opisyal na kasalukuyang nakapokus ang  DA sa pagpapataas ng lebel ng rice production, sa pagpapababa ng production cost, at sa pagbabawas ng post-harvest losses.

“In terms of productivity or yield per unit hectare, we are at par actually with Vietnam at (and) Thailand because we also use the same variety that they have. Our technology is also the same. The only issue is our competitiveness in terms of cost to produce,” paliwanag ni De Mesa.

Ang Vietnam ay nagpoprodyus sa P6 per kg. habang ang halaga kada kilo sa Pilipinas ay tumaas sa P12 hanggang P14.

Sa ilalim ng Rice Tariffication Law, sinabi ni De Mesa na inilaan ang P5 billion para sa mechanization taon-taon upang mabawasan ang  labor cost component ng produksiyon.