NAARESTO ng Immigration agents ang isang New Zealand national na wanted sa kanyang lugar dahil sa kasong dalawang counts ng sexual abuse o pagmomolestya ng mga kabataan.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, kinilala ang puganteng si Kiwi alyas Alan James Linton, na naaresto noong Agosto 23 sa kanyang bahay sa Sugarland Subd., sa Valencia City, Bukidnon.
Sinabi ni Acting BI Intelligence Division (ID) chief Fortunato “Jun” Manahan Jr. na nahuli si Linton ng Immigration agents makaraang ipagbigay alam ng New Zealand police ang kinaroroonan nito sa Filipinas.
Si Linton ay may dalawang conviction ng sexual abuse dahil sa pangmomolestya ng mga bata sa kanilang lugar, kaya ayon pa kay Manahan ay banta si Linton sa seguridad ng mga kabataan sa bansa.
Si Kiwi ay nakakulong sa BI detention center sa Bicutan, habang naka-pending ang kanyang deportation order sa tanggapan ng BI Board of com-missioner sa Intramuros, Manila.
Samantala, bumagsak din sa kamay ng Immigration agents sa lalawigan ng Samar ang dalawang Chinese nationals matapos maaktuhan na nagbe-benta ng mga goods nang walang working permit at visa.
Nakilala ang dalawang Tsino na sina Wu Zhijie, 26 anyos at Wu Jiajiang, 51 anyos na nahuli sa Catbalogan City, Samar.
Agad na dinala ang dalawang dayuhan sa BI detention Center sa Bicutan habang pinoproseso ng BI Board of Commissioner ang kanilang mga deportation order. FROI MORALLOS