WARRIORS HINIYA ANG SPURS

KUMINANG ang Golden State Warriors sa party sa San Antonio nang kumarera sa 144-113 panalo laban sa Spurs sa harap ng record crowd sa Alamodome.

Pinangunahan ni Jordan Poole ang defending champion Warriors na may 25points mula sa bench, at nagdagdag si Donte DiVincenzo ng 22 nang magningning ang reserves ng Golden State.

Hindi sila ang mga pangalan na umakit ng 68,323 crowd sa Alamodome — ang tahanan ng Spurs mula 1993 hanggang 2002 bago sila lumipat sa AT&T Center arena.

Subalit hindi na ito mahalaga dahil ipinagdiwang ng dalawang koponan at ng malaking crowd — winasak ang dating naunang record attendance para sa isang regular-season NBA game na 62,046 para sa showdown sa pagitan ng Chicago Bulls ni Michael Jordan at ng Atlanta Hawks sa Georgia Dome noong March 27, 1998.

Pinangunahan ni Tre Jones ang Spurs na may 21 points, at limang San Antonio players ang umiskor ng double figures. Subalit lumamang ang Golden State ng lima matapos ang first quarter at hindi na lumingon pa.

Hawks 113, Pacers 111

Na-tip in ni John Collins ng Atlanta ang game-winner, may seven-tenths ng isang segundo ang nalalabi sa 113-111 panalo ng Hawks kontra Pacers.

Isang dunk ni Dejounte Murray ang nagbigay sa Atlanta ng 108-107 kalamangan, may 2:08 ang nalalabi. Sumagot si Bennedict Mathurin ng isang basket na nagbigay sa Pacers ng bentahe, may 58 segundo sa orasan.

Na-foul si Mathurin subalit nagmintis sa free throw, at isinalpak ni Trae Young ang isang three-pointer para sa Atlanta bago naitabla ng dalawang free throws ni Buddy Hield ng Indiana ang talaan sa 111-111, may 21.5 segundo ang nalalabi.

May 2.1 segundo sa orasan nang makuha ni Murray ang bola mula sa sablay na tira ni Young ngunit hindi naipasok ang kanyang tira. Nakuha ni Collins ang rebound at ipinasok ang put-back basket — ang kanyang ikalawa pa lamang sa gabi — para sa panalo.

Nanguna si Young para sa Hawks na may 26 points at nagdagdag si De’Andre Hunter ng 25.

Ang Indiana ay pinangunahan ng 26 points ni Mathurin.

Sa iba pang laro, nagbuhos si New York point guard Jalen Brunson ng 34 points — kabilang ang apat na free throws sa huling 14 segundo — sa 112-108 panalo ng Knicks kontra Wizards sa Washington.