WARRIORS TIKLOP SA PACERS

BUMAWI si Tyrese Haliburton mula sa masamang performance sa pagkamada ng team-high 29 points at sumandig ang Indiana Pacers sa 47-point, second-quarter explosion at sa injury ni Stephen Curry upang makalayo sa bisitang Golden State Warriors sa second half para sa 125-119 panalo noong Miyerkoles ng gabi sa Indianapolis.

Nagbuhos si Curry ng game-high 38 points, subalit na-strain ang kanyang kaliwang balikat habang inaagaw ang bola sa third quarter kung saan naghahabol ang Golden State sa 93-80.

Agad nagtungo ang reigning NBA Finals MVP sa locker room, at ang tanging report mula sa Warriors ay hindi na ito babalik sa laro.

Kalaunan ay sinabi ni Warriors head coach Steve Kerr na sasailalim si Curry sa MRI sa Huwebes.

Tumapos si Donte DiVincenzo na may 15 points at game-high-tying eight rebounds para sa Warriors, habang tumipa si Jordan Poole ng 20 points, umiskor si JaMychal Green ng 15 at nag-ambag si Moses Moody ng 13.

Mula sa bench ay kumubra si Bennedict Mathurin ng 24 points, nagposte si Myles Turner ng 21, nagdagdag si Buddy Hield ng 17 at nagtala si Oshae Brissett ng 11 points at 3 steals para sa Indiana, na pinutol ang two-game losing streak.

Kings 124, Raptors 123

Nagbuhos si De’Aaron Fox ng 27 points at 10 assists upang pangunahan ang bisitang Sacramento sa panalo kontra Toronto.

Nagdagdag si Malik Monk ng 24 points at nakalikom si Domantas Sabonis ng 21 points at 20 rebounds para sa Kings, na nanalo sa ikalawang pagkakataon matapos ang limang laro sa six-game road trip. Nagwagi ang Kings sa kabila ng ejection ni coach Mike Brown sa third quarter.

Umiskor si Fred VanVleet ng season-best 39 points para sa Raptors. Kumabig si Scottie Barnes ng 27 points at 10 assists, gumawa si Pascal Siakam ng 19 points at tumipa si Gary Trent Jr. ng 11 points.

Cavaliers 105, Mavericks 90

Naitala ni Donovan Mitchell ang 27 sa kanyang 34 points sa first half upang pangunahan ang balanced attack ng bisitang Cleveland kontra Dallas.

Anim na players ang umiskor ng double figures para sa Cleveland, na natalo sa walo sa kanilang huling siyam na road games. Nagtala si Lamar Stevens ng season highs na 18 points at 11 rebounds, umiskor sina Jarrett Allen at Evan Mobley ng tig- 14 points, kumamada sinDarius Garland ng 12 points, at nagdagdag si Caris LeVert ng 11.

Nanguna si Luka Doncic para sa Dallas na may 30 points, habang nakakolekta si Christian Wood ng 20 points at 7 rebounds. Tumirada si Reggie Bullock ng 12 points at nag-ambag si Spencer Dinwiddie ng 10 points, 7 assists at 6 rebounds.

Sa iba pang laro, pinataob ng Knicks ang Bulls, 128-120 (OT); pinaamo ng Clippers ang Timberwolves, 99-88: ginapi ng Trail Blazers ang Spurs, 128-112; kinatay ng Magic ang Hawks, 135-124; namayani ang Pistons sa Hornets, 141-134 (OT); pinatahimik ng Heat ang Thunder, 110-108; at dinispatsa ng Nuggets ang Wi­zards, 141-128.