Ni CT SARIGUMBA
SINO nga naman ang may sabing kailangan ng ka-date ngayong Valentine’s Day para lang maging masaya? Kailangan ba talagang may ka-date para masabi o maramdamang katangi-tangi ang nasabing araw o okasyon?
Hindi naman lahat ay may ka-date. O may karelasyon. May ibang masaya na kahit na single.
Ayon pa nga sa ilang mga walang karelasyon, pampagulo lang umano ang dulot o hatid ng pagkakaroon ng boyfriend o girlfriend. Maaaring pampagulo nga lang sa ngayon pero kapag natagpuan na nila ang pag-ibig na pinakahihintay nila, tiyak na magbabago ang pananaw o pagtingin nila.
Kung tutuusin, wala nga namang katulad ang magkaroon ng taong handa kang alalayan sa mga panahong nahihirapan ka. Tutulungan kang ngumiti sa kabila ng kalungkutang yumayakap-yakap sa iyo. Iyong taong tanggap ka ano’t ano ka man. Iyong tipo ng taong mahal na mahal ka—ano man ang ugaling mayroon ka.
Lahat naman tayo ay may nakalaang taong mamahalin natin ng buong-buo, at mamahalin din tayo ng walang kapares.
Ngunit sa mga hindi pa natatagpuan ang tunay na pag-ibig, maaari pa rin kayong maging masaya ngayong Valentine’s Day kahit na mag-isa lang at walang ka-date. Narito ang ilan sa tips na puwedeng gawin:
BILHAN NG TSOKOLATE AT BULAKLAK ANG SARILI
Sa mga walang love life o hindi pa natatagpuan ang kanilang tunay na pag-ibig, puwede nating bigyan o bilihan ang ating sarili ng tsokolate at bulaklak. Hindi lang naman boyfriend o asawa ang puwedeng magbigay nito.
Maaari rin tayong bumili para sa ating sarili.
Hindi naman dahil sa walang nagbigay sa iyo kaya’t bibilhan mo ang sarili mo.
Pagpapahiwatig ng pagmamahal sa sarili ang ganitong gawi. Bukod pa roon, deserve mo namang bilhan ang sarili mo ng mga bagay na makapagpapaligaya sa iyo, gaya na nga lang ng bulaklak at tsokolate.
MAGPA-MASSAGE PARA MA-RELAX
Kaysa nga rin naman ang magmukmok sa kuwarto o bahay, bakit hindi ka magpa-massgae nang ma-relax ka.
Sa araw-araw na pagtatrabaho, deserve rin naman nating magpahinga at mag-relax. At matapos nga ang nakapapagod na trabaho, mainam ang pagpapa-massage nang mabuhayan ang ating loob.
MAG-WINDOW SHOPPING
Isa sa nakapagpapasaya sa marami ang pagwi-window shopping.
Kakaiba nga naman ang naidudulot na ligaya sa marami sa atin habang nasa mall tayo at tumitingin-tingin ng mga damit o accessories.
Oo nga’t wala pang suweldo ang marami. Ngunit hindi naman kailangang may bilhin tayo para lang makapagtungo sa mall. Puwede rin namang maglakad-lakad lang at tumingin-tingin sa paligid.
ALALAHANIN ANG MAGAGANDANG NANGYARI SA BUHAY
Kung gusto mo namang mag-stay lang sa bahay matapos ang nakapapagod na pagtatrabaho, puwedeng-puwede mo rin naman itong gawin.
Humiga sa kama habang binabalik-balikan ang mga magagandang pangyayaring nangyari sa buhay.
Maraming magagandang pangyayari sa ating buhay ang nakapagpapangiti sa atin lalo na kapag naaalala o nababalikan natin.
Magandang pagkakataon ang Valentine’s Day upang magbalik-tanaw. Magandang pagkakataon din ito upang magplano sa mga gustong maabot sa buhay o sa hinaharap.
MAGBASA NG LIBRO O MANOOD NG MOVIE
Mainam ding gawin ang pagbabasa ng libro para mapangiti ang puso ngayong Valentine’s Day.
Kung walang ka-date o nagnanais lang na manatili sa bahay, maaari mong maramdaman ang pag-ibig sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga librong ang tema ay tungkol sa pag-ibig.
Napakaraming librong maaari nating pagpilian. Kung ayaw mo namang gumastos, may mga free na ebooks din naman na puwedeng subukan.
O kung wala ka namang hilig sa pagbabasa, swak din naman ang panonood ng mga palabas na ang tema ay tungkol din sa pag-ibig.
MAGPASALAMAT SA BIYAYANG NATATANGGAP
Higit sa lahat, matuto tayong magpasalamat sa mga biyayang natatanggap natin sa araw-araw.
Makontento rin tayo at maging masaya sa kung anumang mayroon tayo sa ngayon. Samantalang pagsikapan naman natin ang mga bagay na gusto pa nating maabot.
Hindi porke’t single ay malungkot na. O masasabi nating malungkot sila o ang buhay nila. Hindi rin naman lahat ng may karelasyon, kaligayahan ang namamayani.
Gayunpaman, may karelasyon man o wala, piliin pa rin natin ang maging masaya sa bawat araw na nananatili tayo sa mundong ibabaw. Sa mga single, maraming paraan upang maging masaya.
May takdang panahon din para sa pagdating ng tunay na pag-ibig.
Huwag magmadali.
Hintay-hintay lang.
Sabi nga ng marami, baka ipinanganganak pa lang ang taong nakalaan para sa iyo.
Happy Valentine’s!
Comments are closed.