INIHAYAG kahapon ni Armed Forces chief of staff Gen. Felimon Santos na nakatutok din ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa umiinit na tensiyon sa Gitnang Silangan partikular sa posibleng armadong komprontasyon sa pagitan ng Amerika at Iran.
Ayon kay Santos, binabantayan ng AFP ang lahat ng aspeto ng hidwaan sa pagitan ng dalawang bansa. “All military is preparing for war pero kami ayaw namin mangyari ‘yan.”
Kabilang sa mga bansang naghahanda ang France, Germany at maging ang United Kingdom para ayudahan ang US sakaling salakayin nito ang Iran o kaya ay gantihan ang mga Amerikano sa ginawa nilang pagpatay kay Qasem Soleimani sa pamamagitan ng drone attack sa utos na rin ni US President Donald Trump.
Nabatid na si Soleimani na napatay nitong Biyernes ay isang controversial figure at itinuturing na isa sa pinakamakapangyarihang tao sa Iran at pinuno ng Revolutionary Guards’ Quds Force, isang elite unit na namamahala overseas operation ng nasabing bansa.
Bago inilibing si Soleimani kahapon ay nauna nang nagbanta ang Iran na gaganti sila sa US, subalit sa kumalat na tweet message ni President Donald Trump ay inulit nito ang babala na huwag nang gumanti pa ang Iran dahil gagamitin sa kanila ang mga bagong biling sandata ng US Armed Forces.
Una nang inihayag ni Trump na may 51 target sites nang tinututukan ang US sa mismong Iran.
“If Iran attacks an American Base, or any American, we will be sending some of that brand new beautiful equipment their way…and without hesitation!”
Samantala sa hiwalay na isyu ay tiniyak din ni Santos, na nakahanda ang AFP na ipagtanggol ang karapatan ng Filipinas sa West Philippine Sea.
“Sa West Philippine Sea, the Armed Forces is always preparing. ‘Yung mga binibili natin sa modernization natin is towards the protection of our territory. Whatever the policy of our government, the armed forces is always prepared for anything,” pahayag ni Santos. VERLIN RUIZ
Comments are closed.