WIZARDS PINAPAK ANG NUGGETS

NALUSUTAN ng Washington Wizards ang 56-point explosion ni Denver star Nikola Jokic upang pataubin ang Nuggets, 122-113, noong Sabado at putulin ang kanilang 16-game NBA losing streak.

Nagposte si Jokic, nakopo ang kanyang ikatlong NBA Most Valuable Player award noong nakaraang season, ng career scoring high — nahigitan ang 53-point performance sa Game 4 ng 2023 Western Conference semi-finals laban sa  Phoenix at ang 50-point regular-season best laban sa Sacramento noong 2021.

Nagdagdag ang Serbian big man ng  16 rebounds at 8 assists subalit nabalewala ito nang magwagi ang  Washington, sa pangunguna ni Jordan Poole, na nagbuhos ng 39 points, sa unang pagkakataon magmula noong October 30.

Naitala ni Poole ang career-high nine sa 16 three-pointers ng Washington habang bumuslo lamang ang Nuggets ng lima sa kanilang 24 attempts mula sa arc.

Umiskor si Justin Champagnie ng 23 points at nagdagdag siJonas Valanciunas ng 20 points at 12 rebounds para sa Wizards, na naglaro na wala ang ilang key players, kabilang sina Kyle Kuzma, Malcolm Brogdon at Saddiq Bey.

Maagang nakontrol ng Washington ang laro kontra Nuggets team na wala ang limang regulars, kabilang sina Aaron Gordon, Jamal Murray at Dario Saric na pawang na-rule ilang oras bago ang laro.

Na-outscore nila ang Nuggets, 36-29, sa first quarter at umabante sa 69-57 sa halftime.

Cavaliers 116, Hornets 102

Umiskor si Evan Mobley ng career-high 41 points at kumalawit ng 10 rebounds para sa league-leading Cleveland Cavaliers sa panalo kontra Charlotte Hornets.

Gumawa si Mobley ng 23 points sa first quarter, nang ipasok niya ang lima sa kanyang anim na three-pointers at nahila ng Cavs ang kanilang kalamangan hanggang 22 bago kinuha ang 63-52 advantage sa halftime.

Grizzlies 127, Celtics 121

Sa Boston, tumabo si Ja Morant ng 32 points na may 9 rebounds at 9 assists upang pangunahan ang Memphis Grizzlies sa panalo laban sa reigning champion Celtics.

Tumipa sinJaren Jackson Jr. ng 27 points at kumalawit ng 9 rebounds para sa Grizzlies, na napigilan ang fourth-quarter comeback bid ng Celtics.

Kumamada si Jrue Holiday ng 23 points upang pangunahan ang anim na Celtics players na umiskor ng double figures. Kumabig sina Payton Pritchard at Jaylen Brown ng tig-22 habang kinapos si Jayson Tatum sa triple-double na may 17 points, 13 rebounds at 9 assists.

Mavericks 125, Raptors 118

Naiposte ni Dallas guard Luka Doncic ang kanyang ikalawang triple-double sa parehong dami ng laro na may  30 points, 13 rebounds at  11 assists sa panalo ng  Mavericks kontra Raptors sa Toronto.

Nagdagdag si Kyrie Irving ng 29 points at umiskor si Klay Thompson ng 20 habang anim na Mavs players ang nagtala ng double figures upang kunin ang ika-7 sunod na panalo.

Pistons 120, Knicks 111

Nagbuhos si Detroit’s Cade Cunningham ng 29 points na may 10 rebounds at career-high 15 assists nang gapiin ng Pistons ang New York Knicks.

Naiposte ni Cunningham ang kanyang ika-5 triple-double sa season, third-most sa NBA ngayong  season sa likod ng siyam ni Jokic at pito ni LeBron James.

Umiskor si Jalen Brunson ng 31 points at nagbigay ng 10 assists upang pamunuan ang Knicks, na naputol angfour-game winning streak.