(World Weightlifting Championships) BRONZE HINABLOT NI HIDILYN

Hidilyn Diaz

NADAGDAGAN ang medal collection ni Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz nang hablutin ang bronze sa women’s 55kg division sa 2019 World Weightlifting Championships sa Pattaya, Thailand.

Makaraang bumuhat lamang ng 93 kg sa snatch, sapat para sa 8th place, si  Diaz ay nagtala ng 121 kg sa clean and jerk upang ilagay ang kanyang sarili sa podium race para sa overall total na 214 kg.

Nadominahan ng da­lawang Chinese weightlifters ang kumpetisyon kung saan bumuhat si Liao Qiuyun ng 98 kg at 129 kg tungo sa gold-medal worthy 227 kg.

Samantala, pina­ngunahan ni Zhang Wanqiong ang snatch na may 99 kg ngunit nagtala lamang ng 126 kg sa clean and jerk para magkasya sa silver.

Sa isang Twitter post, sinabi ni Diaz na halos nawala siya sa pokus matapos ang snatch ca­tegory.

Pinasalamatan ng Zamboanga native ang kanyang mga magulang at iba pang grupo para sa suporta at panalangin na kanyang tinanggap.

Ito ang ikatlong bronze ni Diaz sa world championships makaraang kunin ang parehong ranking sa 2015 at 2017 edition ng Games.

Target ni Diaz, nagwagi ng gold medal sa 2018 Asian Games, ang isang tiket sa 2020 Tokyo Olympics.

Comments are closed.