YULO SASABAK SA 8 MAJOR TOURNAMENTS SA 2023

Carlos Yulo

LALAHOK si Tokyo Olympian Carlos Yulo sa walong malalaking gymnastics competitions, kabilang ang apat na torneo sa Azerbaijan, Qatar, Serbia at Germany at ang Olympics qualifying sa Antwerp Germany, sa susunod na taon.

“Busy ang schedule ko sa 2023. Kailangang paghandaan ko ang lahat ng tournaments na sasalihan ko sa susunod na taon,” sabi ni Yulo.

Ayon sa two-time World Gymnastics champion, kailangan niyang makapasok sa top three sa qualifying upang muling makalaro sa Olympics sa 2024 sa Paris, France.

Kumpiyansa si Yulo na makakapasok siya sa top three sa qualifying dahil malaki ang kanyang improvement sa training sa Japan sa ilalim ni Japanese coach Munehiro Kogumiya.

“I improved a lot and my confidence is high. I am confident I can make it and compete in 2024 in Paris,” wika ni Yulo.

Aniya, karamihan sa mga kalahok ay nakalaban niya sa tatlong world competitions na ginawa sa Germany, Japan at Great Britain.

“Dalawa ang goal ko. Magawa ko ‘yong hindi ko nagawa sa Tokyo at maging unang Pinoy na nanalo ng medalya sa Olympics,” sabi ni Yulo, na bakas sa mukha ang determinasyong makuha ang coveted gold sa Paris.

Nag-training si Yulo sa Paris bago lumahok sa World Gymnastics na ginawa sa Liverpool, Great Britain kung saan nanalo ang Pinoy ng medalya.

Sasabak din si Yulo sa Southeast Asian Games, Asian Games at Asian Gymnastics.

Ang paglahok at pagsasanay ni Yulo sa Japan ay ginastusan ng Philippine Sports Commission. Si Yulo ay kasama sa priority athletes ng PSC.

CLYDE MARIANO