YULO WAGI NG 2 PANG GINTO SA ASIAN CHAMPIONSHIPS

TINAPOS ni Paris-bound gymnast Carlos Yulo ang kanyang kampanya sa 2024 Asian Gymnastic Union Men’s Artistic Gymnastics Championships noong Linggo sa Uzbekistan sa pagwawagi ng dalawa pang gold medals mula sa vault at parallel bars.

Nadominahan ni Yulo ang vault event na may iskor na 14.883, tinalo ang mga tulad nina podium finishers Abdulaziz Mirvaliev (14.783) ng  Uzbekistan at Muhammad Sharul Aimy (14.466) ng Malaysa, at compatriot Juancho Miguel Besana na tumapos sa  fourth na may 14.150.

Sa parallel bars event ay umiskor si Yulo ng  15.133 upang kunin ang gold, habang pumangalawa si China’s Dehang Yin (15.033) at pumangatlo si local bet Rasuljon Abdurakhimov (14.866).

Sa kabuuan, si Yulo ay humakot ng apat na ginto sa edisyon ng torneo ngayong taon, kung saan ang dalawang iba pa ay nagmula sa individual all-around at floor exercise.

Nagwagi rin ng ginto sa  juniors division ng vault event ang kanyang nakababatang kapatid na si Karl Eldrew.