UMAPELA ang isang consumer group sa mga manufacturer ng canned goods na tapyasan ang presyo ng kanilang mga produkto sa harap ng patuloy na pagbagsak ng oil price sa pandaigdigang merkado.
Sa virtual presser ng Tapatan sa Aristocrat kahapon, sinabi ni Laban Konsyumer, Inc. (LKI) president Victorio Mario Dimagiba na dapat silang magpatupad ng hindi bababa sa 5-percent price cut sa kanilang mga produktong de lata.
“Five percent at the minimum, but let the manufacturers decide if they can do it higher,” sabi ni Dimagiba, na dati ring undersecretary ng Department of Trade and Industry-Consumer Protection Group.
Naniniwala rin si Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce Henry Lim Bon Liong na dapat magbaba ng presyo ang mga manufacturer ng canned goods sa harap ng pagbaba ng world oil price.
Sa kasalukuyan, ang presyo ng krudo sa World Texas Intermediate ay nasa USD12.67 per barrel habang ang Brent crude ay USD18.63 per barrel.
Sa datos ng DTI, ang suggested retail prices (SRPs) ng 155-gram canned sardines ay nasa P13..25 hanggang P17.25.
Samantala, ang presyo ng 150-gram corned beef ay nasa pagitan ng P18.50 at P32, habang ang 170-gram ay mula P29 hanggang P37.
Ang iba pang canned goods na itinuturing na basic necessities at prime commodities ay kinabibilangan ng condensed at evaporated milk, luncheon meat, meatloaf, at beef loaf.