MALAYO na ang isang dekada sa larangan ng pahayagan o print kaya naman nakatutuwang isipin na sa panahon ng digital at modernong teknolohiya, nakasusurvive pa rin ang iilang publication tulad ng PILIPINO Mirror – Ang Unang Tabloid sa Negosyo!
Bukod sa kumpetensiya, galing at ganda ng content, mas mabilis na ang pagpapakalat ng impormasyon, ang nakalulungkot lang, marami ang peke o unverified information na agad pinaniniwalaan ng publiko.
Dahil nga sa modernong panahon at pag-usbong ng maraming bago, ang PILIPINO Mirror ay kailangan ding sumabay sa panahon. Sa katunayan, pinagbubuti na nito ang digital version tulad ng aming website na www.pilipinomirror.com – asahan ang pagkakaroon ng mga pagbabago sa mga darating na araw. Maski ang social media platform ay pinagbubuti na rin ang content na aming inilalagay.
Isa sa unang pinagtuunan natin ng pansin sa aming ika-sampung anibersaryo ay ang matagumpay na kolaborasyon ng ating mga partner, advertiser at ang nasa sector ng micro, small and medium enterprises o MSMEs.
Marami tayong naging produktibong kolaborasyon sa taong ito tulad na lamang ng SunSmart Solar Power Technology, Inc., Association of Filipino Franchisers, Inc. (AFFI), International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI), SM Group (SM Supermalls, SM Retail, SM Foundation, SM Prime), San Miguel Corporation (SMC), Pag-IBIG Fund, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Manila Electric Company (Meralco), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at marami pang iba.
Ngayon naman, bilang bahagi pa rin ng anibersaryo, ay ang paghahanda “PARA SA ISA PANG DEKADA” sa 10.10 o October 10, 2022 dahil kabilang sa aming pinaghahandaan ay ang pagbibigay ng mas malawak na serbisyo sa pamamagitan ng pagbabalita at pagbibigay ng mga napapanahong kaalaman sa publiko at sa mga maliliit na negosyante.
Isa rin sa gustong ibahagi ng PILIPINO Mirror ay ang pagkakaroon nito ng programa sa radio na USAPANG PAYAMAN sa DWIZ 882 na napakikinggan tuwing Linggo, 2pm hanggang 3pm na sabay naman mapanonood sa digital assets ng DWIZ (Facebook, YouTube at website) at nasa test broadcast ng IZTV 23.
Sa Usapang Payaman, dito natin binibigyan ng pagkakataon ang mga negosyante na mas makilala ng publiko ang kanilang produkto, pagpapa-unlad ng kakayanan o skills, pagbibigay ng mga payo at makabuluhang mensahe sa ating mga kababayan at kung ano pang makatutulong sa pagpapasigla lalo na sa kabuhayan.
Ang 10.10 PARA SA ISA PANG DEKADA ay preparasyon sa mas malaking hamon na susuungin ng industriya ng pahayagan partikular na ang print, sumasalamin sa kasalukuyan at modernong pamamaraan ng kalakalan na makatutulong naman sa ating mga partner at advertiser na higit makilala ang kanilang produkto o brand na ibinibenta sa merkado.
Kaya naman lubos ang aming pasasalamat sa lahat inyong suporta at tiwala sa PILIPINO Mirror – Ang Unang Tabloid sa Negosyo! Makaaasa kayong lalo pa naming pagbubutihin ang aming serbisyo lalo na sa ating mga kababayan na mabigyan ng kaalaman hinggil sa tamang pangangalaga sa salapi at pagnenegosyo.
Dahil isa nga sa naging “evolution” namin sa merkado ay makatulong sa aming mambabasa, MSMEs, mga OFW at working class na gustong magnegosyo, ay maipagpatuloy ang aming nasimulan bilang “source of relevant information in financial literacy” katuwang ang organized sector na malaki ang kaalaman sa pag-angat ng kabuhayan ng ating mga kababayan.
CRIS GALIT