10 MAHAHALAGANG REPORMA TINUKOY PARA MALAKAS NA MAGTAPOS ANG DUTERTE ADMIN

Joey Sarte Salceda

ISINUSULONG ngayon ni House Ways and Means Committee chairman at Albay 2nd district Rep. Joey Sarte Salceda ang pagpasa ng Kongreso sa 10 “sadyang mahalaga at madaling ipatupad” na mga repormang maisasagawa ng Kongreso at Malakanyang sa huling anim na buwan ng administrasyong Duterte para malakas ito magtapos.

Tinagurian ang mga ito ni Salceda na “10 mga bungang madaling sungkitin” at isakatuparan na ini­lista niya sa isang dokumentong pinamagatan niyang “Finishing strong, starting anew in 2022,” na ayon sa kanya ay “una nating dapat atupagin ngayong bagong taon.”

“Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan niya sa mga kampiyong mambabatas, maaaring tapusin ni Pangulong Duterte ang kanyang panunungkulan bilang Pangulo nakatupad sa mahahalagang pangako niyang mga reporma sa kasaysayan ng ating bansa,” dagdag hiya.

Si Salceda ang bumalangkas at nagtaguyod sa Kamara ng maraming  mahahalagang panukalang batas ng administrasyon gaya ng ‘Comprehensive Tax Reform Program, investment liberalization agenda,’ at mga reporma sa kalusugan, impraestraktura,  edukasyon, pambalanang kaligtasan at pangangasiwa.

Si Salceda rin ang umakda ng mahahalagang panukalang batas na kasalukuyang tinatalakay pa sa Senado o kaya ay naghihintay ng lagda ng Pangulo na tinagurian nga niyang “mahahalagang prutas na madaling abutin at isulong ng Kongreso at Ehikutibo.”

Kasama sa lista ni Salceda ang: 1) Pagkumpleto sa ‘Foreign Direct Investment liberalization agenda’ at pagpasa ng mga amyenda sa ‘Public Service Act;’ 2) Pagtibay sa ‘Packages 3 and 4’ ng ‘Comprehensive Tax Reform Program;’

3) ‘Financial inclusion reforms’ gaya ng ‘Fair and Inclusive Credit Act’ at ‘Consumer Financial Protection Act,’ at hayaan ang mga OFW na mamuhunan sa ‘Philippine equities’ habang nasa ibang bansa; 4) mga reporma sa agrikultura na kasama sa kanyang ‘5Fs framework (farms, fisheries, forestry, feeds, and fertilizers);’

5) ‘Portable PhilHealth through a single-patient, single-record system and a free national telemedicine hotline;’ 6) ‘Department of Di­saster Resilience Act’ at mga amyenda sa ‘National DRR Law’ na hiling ng Pangulo; 7) magkatugmang mga hakbang ng Kongreso at Bureau of Customs laban sa ‘smuggling’ ng mga prutas, gulay; pagpuslit sa mga ‘ecozones’ at ilegal na mga transaksyon sa tabako at gasolina;

8) Ang paglalabas ng angkop na ‘Strategic Investment Priorities Plan’ para buong maipatupad na ang CREATE Act; 9) mga reporma upang mapababa ang presyo ng mga gamot sa pamamagitan ng mabilis na pagproseso ng ‘VAT-free medicines,’ maramihang pagbili ng ‘medical supplies’ para sa mga ospital ng gub­yerno at malinaw na panuntunan sa paniningil sa pas­yente; at 10) Paglikha ng mga trabaho sa pamamagitan ng pagbibigay importansiya sa programa ng impraestraktura at hindi pagbabawal sa implementasyon nito sa panahon ng halalan.

Binigyan din niya ng diin na ang pag-apruba sa mga amyenda sa ‘Retail Trade Liberalization Act, Foreign Investments Act (FIA), and Public Service Act’ ay “sadyang mahahalagang reporma” para isulong ang layunin ng bansa na umakit ng higit na maraming ‘foreign direct investments.’

Naghihintay na ngayon ng lagda ng Pangulo ang mga amyenda sa ‘Retail Trade Liberalization Act’ at ‘Foreign Investments Act.’ habang nasa ‘Bicameral Conference Committee’ naman ang bagong ‘Public Service Act.’

Ayon kay Salceda may tatlong maselang konsiderasyon sa pagpasiya sa pamumuhunan: mga mga balakid, mga risgo o pa­nganib, at mga pagkakataon. “Tungkol sa mga balakid, ang mga tanong ay: Bukas nga ba iyon sa pamumuhunan? Anong pipigil sa mamumuhunan para maglagak ng higit na malaking kapital doon? Sa risgo naman: Gaano kaligtas ang puhunan doon? Ano ang hahadlang para kumita ang puhunan? Kaugnay naman sa potensiyal ng pamumuhunan doon: Ano ang magiging pakinabang ng mamumuhunan? Sapat ba ang inaasahang kita upang maglagak ng malaking kapital doon,” paliwanag niya.

“Natugunan na natin ang mga isyu kaugnay sa mga potensiyal ng pamumuhunan sa pamamagitan ng CREATE Act, ngunit kailangan ding akmang tugunan natin ang mga balakid sa pamumuhunang dayuhan kaya isinusulong natin ang mga ‘liberalization bills,” dagdag na paliwanag ni Salceda na siyang chairman ng House Ways and Means Committee.

Sa ilalim ng inamyendahang FIA, hihikayatin ang mga dayuhang propesyunal at espesiyalista na bumalik sa Pilipinas at ibahagi sa mga Pilipino ang kanilang mga karunungan, karanasan at teknikal na  kaalaman upang lalong mapalago ang kahusayan at galing ng mga Pinoy na makipagsabayan sa mga katulad nila sa buong mundo.

Isusulong din ng natu­rang mga balangkas at hakbang ang mga bagong negos­yo at mga gumagabay sa kanila sa ilalim ng RA 11337 na pamuhunanan sila ng mga dayuhan ng hindi bababa sa P100,000 upang isulong din ang pamumuhunan sa mga bagong sektor ng pambansang ekonomiya.