MAYNILA – MAY panibagong 11 youth offender na dalagita ang nakatakas, kahapon ng madaling araw sa kustodiya ng Manila Youth Recreational Center (MYRC) sa Arroceros.
Nabatid na ito na ang ikalawang pagkakataon na may nakatakas na youth offender sa MYRC kung saan noong una ay may 35 batang lalaki na pawang youth offender ang nakatakas.
Nabatid na nilagari umano ng mga dalagita na pawang may kasong may kinalaman sa ilegal na droga, snatching, ang kanilang selda na nasa ikalawang palapag ng MYRC kaya sila nakatakas.
Nalaman na dakong alas-3:30 ng madaling araw ng makapuslit ang mga dalagita sa mga nagbabantay na City Security Force (CSF) na sina Jun Blasco, Warren Bahamodi, at mga Houseparent naman na nasa 2nd floor mismo na sina Alice Coscuella, Annaliza Villarosa, Cristina Gambay at Charie Macario.
Nakita na umano ang mga batang babae na naglalakad sa may Aroceros St. pero hindi umano ito pinag-interesan na habulin.
Nabatid na sa 37 youth offender na unang nakatakas, may 12 pa lamang menor ang naibabalik sa kustodiya ng MRYC.
Ang ilan umano ay isinuko ng kanilang magulang at ang isa ay naaresto matapos na muling mang-holdap.
Nabatid na unang natakasan ang MYRC na pinamumunuan ni Luz Pagalangan noong Oktubre 23 pero hindi pa rin ito natinag sa kanyang posisyon at nanatiling hepe ng MRYC.
Tikom naman ang bibig ng MRYC na kumpirmahin ang nangyaring pagkakatakas ng mga menor na sangkot sa krimen.
PAUL ROLDAN
Comments are closed.