2-0 SA LADY SPIKERS, LADY BULLDOGS

Mga laro sa Martes:

(Mall of Asia Arena)

10 a.m. – UST vs UP

12 noon – FEU vs UE

4 p.m. – DLSU vs NU

6 p.m. – AdU vs Ateneo

HANDA na ang La Salle at National University sa kanilang pinakaaabangang showdown sa Martes sa pagposte ng impresibong panalo sa UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena.

Nagpamalas si Jolina dela Cruz ng mainit na all-around game na may 12 kills, 11 digs at 11 receptions nang walisin ng Lady Spikers ang Adamson, 25-21, 25-20, 25-14, para manatiling walang talo sa dalawang laro.

Nagtala si Mhicaela Belen ng18 points at 12 receptions habang gumawa rin si Cess Robles ng  18 hits at nakakolekta ng 13 digs para sa Lady Bulldogs na umangat sa  2-0 kasunod ng 25-22, 25-15, 22-25, 25-22 panalo kontra titleholder Ateneo.

Ang pinakamatatangkad na koponan sa liga, ang La Salle at  NU ay magkukrus ang landas sa Martes sa potential Finals preview.

Masayang-masaya si Dela Cruz sa ipinakita ng Lady Spikers makaraang malusutan nila amg matikas na pakikihamok ng Lady Falcons sa opening set.

“Noong second and third set, less errors kami,” sabi ni Dela Cruz matapos ang one-hour, 34-minute contest.

Umiskor din si first-year player Alleiah Malaluan ng 12 points habang kumana si La Salle libero Justine Jazareno ng 28 digs at 12 receptions.

Tinalo ng NU ang Ateneo sa unang pagkakataon magmula noong Feb. 7, 2018, nang maiposte ng Jaja Santiago-led squad ang 25-19, 25-19, 20-25, 12-25, 15-7 victory.