Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
3 p.m. – San Miguel vs Meralco
6 p.m. – TNT vs Magnolia
PUNTIRYA ng defending champion Talk ‘N Text at San Miguel Beer ang ikalawang sunod na panalo laban sa Magnolia at Meralco, ayon sa pagkakasunod, sa Game 2 ng best-of-seven PBA Philippine Cup semifinals ngayon sa Araneta Coliseum.
Haharapin ng Tropang Giga ang Hotshots sa alas-6 ng gabi matapos ang salpukan ng Beermen at Bolts sa alas-3 ng hapon.
Pinataob ng TNT ang Magnolia, 108-96, at pinulbos ng ng SMB ang Meralco, 121-97, sa Game 1 noong Miyerkoles.
Hawak ang 1-0 bentahe, sisikapin ng Tropang Giga at Beermen na manalo at lumapit ng dalawang laro sa finals.
Tiyak namang hindi papayag ang Magnolia at Meralco na madalawahan para hindi malagay sa balag ng alanganin ang kanilang kampanya.
“We will exploit the victory in Game 1 to our advantage,” sabi ni TNT coach Chot Reyes.
“Though we won Game 1, hindi puwede kaming mag-relax. Kailangan ay handa kami at tiyak babalik ang Magnolia para bumawi,” wika ni Reyes, puntirya ang ika-9 na PBA title.
Muling pangununahan ni Mikey Williams ang opensiba ng TNT kasama sina Jayson Castro, Roger Pogoy, Troy Rosario at John Paul Erram laban kina Marc Andy Barroca, Paul Lee, Calvin Abueva, Jio Jalalon at Ian Sangalang.
Wala ring balak si coach Leo Austria na magkampante dahil tiyak na babawi ang Meralco.
“We will not relax and rest. We have to play hard and put our act together to ensure victory,” sabi ni Austria, target ang ika-6 na PBA crown magmula noong 2012.
Muling sasandal si Austria sa kanyang mga top gunner na sina CJ Perez, Marcio Lassiter, June Mar Fajardo, Rodney Brondial at John Paul Zamar na tatapan naman nina Chris Newsome, Allein Maliksi, Bong Quinto, Aaron Black at Raymond Almazan.
CLYDE MARIANO