($2.502-B noong Nobyembre) OFW CASH REMITTANCES TUMAAS

Remittances-4

PUMALO sa $2.502 billion ang cash remittances ng overseas Filipinos na ipinadaan sa mga bangko noong November 2021, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ito ay mas mataas ng 5.1 percent kumpara sa $2.379 billion na naitala sa kaparehong panahon noong 2020.

Dahil dito, ang January-November 2021 cash remittances ay umakyat sa $28.43 billion, mas mataas ng 5.2 percent kumpara sa $27.013 billion noong nakaraang taon.

“The expansion in cash remittances was due to the increase in receipts from land-based and sea-based workers,” ayon sa central bank.

Sa datos ng BSP, malaki ang naiambag ng cash remittances mula sa United States, Taiwan at Malaysia sa paglago sa unang 11 buwan ng 2021.

Samantala, tumaas ang personal remittances ng 4.8 percent sa $2.77 billion noong Nobyembre mula sa  $2.643 billion sa kahalintulad na buwan noong nakaraang taon.

Nagresulta ito sa 5.3-percent increase sa cumulative personal remittances sa $31.586 billion mula Enero hanggang Nobyembre 2021.

Pagdating sa country sources sa overall remittances, ang US ang nagposte ng pinakamalaking share, kasunod ang Singapore, Saudi Arabia, Japan, United Kingdom, United Arab Emirates, Canada, Taiwan, Qatar at South Korea.