2 CHINESE, 1 PINAY TIMBOG SA OMB RAID

arestado

BULACAN-SINALAKAY ng mga operatiba ng Optical Media Board (OMB) ang isang establisimiyento dahil sa paglabag sa Republic Act No.9239 o mas kilala bilang Optical Media Act of 2003 na tinatayang aabot sa P100 milyong halaga ng computer sets,gadgets at TV na mayroong storage devices ang nakumpiska kung saan dalawang Chinese at isang Pinay ang nadakip sa Guiguinto sa lalawigang ito noong Huwebes ng hapon.

Kinilala ni OMB Chairman Atty.Christian Natividad ang mga nadakip na sina Quan Xi  Gua at Huan Ying habang isinasailalim sa imbestigasyon ang Pinay na si Joy Alegado,nagpakilalang secretary ng ni-raid na gusali na inabutan sa loob ng Ecom Electronics Reconditioning Services.

Batay sa ulat, dakong alas-2 ng hapon nang salakayin ng OMB Intelligence operatives ang isang gusali na nasa loob ng IRS Industrial Complex sa Mercado St.,Barangay Poblacion,Guiguinto,Bulacan na kung saan narooon ang dalawang Chinese at si Alegado.

Tinatayang P100 milyon ang halaga ng mga personal computer,computer monitor,TV na nilagyan ng storage devices at universal serial bus o flashdrive ang nadiskubre sa loob ng nasabing bodega na hindi mga rehistrado sa OMB.

Ayon kay Natividad, nadiskubre ang nasabing iligal na bodega nang magpadala ng application sa OMB para sa lisensiya ng nasabing establisimiyento sa pamamagitan ng online application ang isang nagpakilalang may-ari na si Jocelyn Drueco Casimiro.

Gayundin, inamin ni Algado sa OMB na isang Chinese ang may-ari ng  Ecom Electronics Reconditioning Services at hindi si Casimiro na nag-apply online. MARIVIC RAGUDOS

Comments are closed.