ISABELA-Dalawa ang namatay habang dalawa naman ang malubhang nasugatan makaraang magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa may Barangay San Pedro, Roxas ng lalawigang ito.
Kinilala ng mga tauhan ni P/Major Edgar V. Manuel, hepe ng Roxas Police Station ang nasawi na sina Arnold Managuelod, 29-anyos, may asawa, driver ng mortorsiklo, residente ng Imbiao, Roxas, Isabela at angkas nitong si Angelica Nava, 33-anyos, tubong Tondo, Manila at pansamantalang naninirahan sa Bantug,Roxas, Isabela.
Sugatan naman ang dalawang sakay ng Suzuki Smash motorcycle na sina Jushua Rivera, 21-anyos, driver ng motorsiklo, residente ng Muñoz East, Roxas, Isabela at angkas na si Jay-ar De Vera, 30-anyos, construction worker at residente ng San Pedro, Roxas.
Sa imbestigasyon ng PNP Roxas, dakong alas-8:50 kamakalawa ng gabi sa may Barangay San Pedro,Roxas habang matulin pinapatakbo ni Managuelod ang kanyang Kawasaki Rouser motorcycle patungong Kanluran nang biglang sumalpok ito sa kasalubong na motorsikong Suzuki Smash na naging dahilan ng pagkamatay ng dalawa at pagkasugat naman ng dalawa pa.
Agad isinugod sa isang ospital ang magkaangkas na sina Managuelod at Nava dahil sa malalang sugat sa kanilang ulo ngunit idineklara silang dead on arrival.
Dinala na sa Roxas Police Station ang dalawang motorsiklo para sa kaukulang disposisyon. IRENE GONZALES
Comments are closed.