2 TULAK ARESTADO SA P220K HALAGA NG SHABU

shabu

NAVOTAS CITY – ARESTADO ang dalawang umano’y tulak ng ilegal na droga matapos makumpiskahan ng nasa P220,000 halaga ng shabu sa buy bust ope­ration sa lungsod na ito, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Navotas Police Chief Col. Rolando Balasabas ang mga naarestong suspek na si Tirso Arevalo, 49, construction worker at Jay Ar Dublin, 25, pedicab driver, kapwa ng Brgy. 12, Caloocan City.

Narekober sa mga suspek ang humigi’t kumulang sa 32.5 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P220,000 street value ang halaga, P300 buy bust money at P300 bill.

Sa report ni Col. Balasabas kay Northern Police District (NPD) Director PBGEN Ro­naldo Ylagan, dakong alas-12:35 ng Sabado ng madaling araw nang isagawa ng mga opera­tiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt Charlie Bontigao kontra sa mga suspek sa Area 1, Dalagang Bukid St, Brgy. NBBS, Dagat-dagatan, ng lungsod.

Isa sa mga operatiba ang nagpanggap na buyer at nagawang makais­kor ng isang sachet ng shabu na nagkakahalaga sa P300 sa mga suspek.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa buyer ay agad lumapit ang back-up na opera­tiba saka sinunggaban si Arevalo at Dublin.

Kasong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act ang isinampa ng pulisya kontra sa mga naarestong suspek sa Navotas City Prosecutors Office. EVELYN GARCIA/VICK TANES

Comments are closed.