INIULAT ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na may 17 katao ang nawawala sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Quinta sa Bicol at CALABARZON region makaraang lumubog ang dalawang barko na kinabibilangan ng isang crew at 16 na mangingisda kahapon ng umaga sa lalawigan ng Batangas.
Ayon kay Mark Cashean Timbal, spokesman ng NDRRMC na pasado alas-7 ng umaga, agad na nag-deploy ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) Sub Stn 3 sa Bauan para magsagawa ng search and rescue mission sa mga tripulante ng lumubog na MV Oceanic Explorer 3 PCG sa Barangay San Roque, Bauan, Batangas.
Kinilala ni PCG Commodore Armand Balilio ang mga nasagip na tripulante na sina Tomas Del Rosario; Jaime Mete Jr.; Jonhpaul Servando; Juliet Mayang; Andres Lazalita; Jove Muchillas at Archei Gallardo, habang patuloy pa rin ang paghahanap sa isa pang nawawala crew.
Inihayag naman ni Timbal na may 12 indibidwal din na nawawala at pinaghahanap ngayon sa karagatang sakop ng Catanduanes na pawang mangingisda na pumalaot at naabutan ng bagyo na nagmula sa Brgy Pananogan, Bato; Brgy Cagdarao, Panganiban, Brgy District 3, Gigmoto.
Kasalukuyang bineberipika kung kabilang sa nasabing 12 nawawala ang apat pang mangingisda na pumalaot noong Oktubre 22 subalit hindi pa nakakabalik sa kanilang lugar sa Catanduanes.
Samantala, sinasabing may 2 vessels ang sumadsad sa kabahayan base sa inisyal report ng Batangas- PNP kabilang dito ang isang Roro12 na may sakay na limang crew sa Brgy. Marikaban, Tingloy Island ,Batangas bandang alas- 8 ng umaga kahapon.
Kaugnay nito, inulat naman ng Philippine National Police (PNP) na may isang nasawi sa Cagayan Valley sa kasagsagang ng bagyo at nagdulot din ng malawakang blackout sa CALABARZON at Bicol region.
Sa datos ng PNP, umabot na sa 40,682 ang mga inilikas dala ng Bagyong Quinta kung saan 88 sa Cagayan; 3,542 sa CALABARZON; 571 sa MIMAROPA; 36,456 sa BICOL region; 25 sa Eastern Visayas Region.
Nasa 3,558 naman ang mga stranded kung saan nasa 75 sa CALABARZON; 991 sa MIMAROPA; 1,898 sa BICOL region at 594 sa Eastern Visayas. VERLIN RUIZ
Comments are closed.