20 PINOY QUALIFIERS SA TOKYO OLYMPICS

MATAPOS ang mala­king tagumpay ng Philippine national athletes kamakailan, naniniwala si  Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez na magandang palatandaan ito na mawawakasan na ng bansa ang 95-year-old gold medal drought sa Summer Olympic Games.

Umaasa si Ramirez kay 19 year-old Leveriza, Manila-born gymnast Carlos Edriel Yulo.

Si Yulo ay gumawa ng kasaysayan nang maging unang Filipino gymnast na nagwagi ng gold medal sa men’s floor exercise event sa 49th FIG World Artistic Gymnastics Championships sa Stuttgart, Germany noong nakaraang Sabado.

Apat na araw bago ito, sa parehong event, nakopo ni Yulo ang isang tiket sa 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan nang magtapos sa ika-7 puwesto sa men’s floor exercise final at pumang-18 mula sa 160 gymnasts sa men’s individual all-around.

Wala pang 24 oras matapos ang makasaysayang panalo ni Yulo, sumuntok naman ng ginto si Pinay featherweight Nesthy Petecio sa 2019 AIBA World Women’s Boxing Championships sa Ulan-Ude, Russia upang maging ikalawang Filipina world boxing champion matapos ni Josie Gabuco noong 2012.

Bukod sa pinakabagong Filipino world champions, si national pole vault athlete Ernest John Obiena ay na­ging unang Filipino qualifier para sa Tokyo Olympics nang magtala ng 5.81 meters sa 2019 Salto Con L’asta sa Piazza Chiari, Italy noong nakaraang Set. 3.

Bago nakopo ang kanyang Olympic ticket, si Obiena ay nagwagi ng dalawang gold medals sa 2019 Asian Athletics Championships na idinaos sa Doha, Qatar noong nakaraang Abril at naghari sa 2019 Summer Universiade sa Stadio San Paolo sa Naples, Italy noong Hulyo.

“If we come up with 20 qualified candidates, I think that will be one of the biggest Philippine delegations to the Olympics,” sabi ni Ramirez.

Noong nakaraang buwan, dalawang iba pang national athletes ang iwinagayway rin ang bandila ng Filipinas sa world stage, sa katauhan nina reigning Olympic silver medalist Hidilyn Diaz sa weightlifting at middleweight Eumir Felix Marcial ng boxing.

Nasikwat ni Diaz ang dalawang bronze medals sa women’s 55-kilogram class ng 2019 IWF World Weightlifting Championships sa Pattaya, Thailand upang maabot ang rank no. 3 sa mundo.

Nagwagi naman si Marcial ng silver medal sa 2019 AIBA World Boxing Championships na idinaos sa Ekaterinburg, Russia.

Bukod sa nasabing Filipino medalists, umaasa rin ang PSC chief kay Cebu City native at 2018 Asian Games gold medalist Margielyn Didal.