TARGET ni Senadora Loren Legarda na maaprubahan sa bicam ang P3.757 trillion 2019 national budget sa mismong araw ng kanyang kaarawan sa darating na Lunes, Enero 28.
Nakatakdang isagawa ang bicam budget sa Lunes matapos na lumusot ito sa ikatlong pagbasa sa Senado.
Ayon kay Legarda, chairman ng Senate committee on finance, kinausap na niya si House Majority Leader Rolando Andaya at tiniyak niya sa kongresista ang pagpasa ng budget sakaling isalang na ito sa bicam para agad na maratipikahan at maipasa na kay Pangulong Rodrigo Duterte para malagdaan.
Nilinaw ng senadora na sa Lunes itinakda ang bicam, hindi dahil sa araw ito ng kanyang kaarawan, kundi dahil isinumite nila ang Senate version sa Kamara upang mapag-aralan ngayong linggo para mapadali na ang pagsalang nito sa bicam sa Lunes upang maaprubahan.
Dagdag pa ni Legarda, ibinalik din ng Senado ang ilang bahagi ng pondo ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) na umabot sa P16 billion kung saan tinanggal ng Kamara sa kanilang budget version ang original budget nito na aabot sa P308-B. VICKY CERVALES
Comments are closed.