Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
4:30 p.m. – San Miguel vs Phoenix
6:45 p.m. – Bay Area vs Magnolia
SA PANGUNGUNA ni Lester Prosper na nagpasabog ng 50 puntos, tinapos ng Terrafirma ang siyam na buwang walang panalo sa 124-114 overtime victory kontra NLEX sa PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Araneta Coliseum.
Tumugon sa hamon ni coach John Cardel, nanalasa si Prosper at nagpaulan ng puntos, kabilang ang pito sa over time na nagselyo sa mailap na panalo makaraang masayang ng Dyip ang 10-point lead sa regulation.
Naitala ng Dyip ang panalo matapos ang 10 games sa mid-season conference, at ang mas mahalaga ay muling natikman ang panalo sa unang pagkakataon matapos ang 109-103 pagdispatsa sa Blackwater noong Feb. 12 sa Season 46 Governors’ Cup elims.
“I think we got lucky in this game. Struggling din ang NLEX so I told the boys we have to take advantage of that,” sabi ni Cardel, na ang tropa ay pinutol ang 25-game losing streak.
“I told Lester before this game ‘you gotta get 50 points’ and he did that, ” pagbabahagi niya sa naging pag-uusap nila ng naturalized Indonesian (19 rebounds, five assists, one block) sa bisperas ng laro.
“I’m also thankful to the players – Juami (Tiongson), Gelo (Alolino) and Alex (Cabagnot). After 25 games, at least nasira namin ang sumpa. We can now start again and we hope to carry this to our last two games (in the elims).”
Nagbuhos si Tiongson ng 18 points, 9 assists at 8 boards, kumubra si Eric Camson ng 15, nagdagdag si Alolino ng added 10 at nakalikom si Cabagnot ng 8 markers, 10 rebounds at 6 dimes.
Isinalpak ni Cabagnot ang krusyal na tres at pinasahan si Cahilig para sa dalawang clutch layups upang sindihan ang 12-2 barrage na naging tuntungan ng Terrafirma upang makakalas sa 112-112 deadlock sa OT.
Kumana si Earl Clark ng 45 points habang tumirada si Don Trollano ng career-high 26 at nag-ambag si Brandon Rosser ng 22 para sa NLEX, na nalasap ang ika-5 sunod na kabiguan para sa 3-7 overall.
CLYDE MARIANO
Iskor:
Terrafirma (124) – Prosper 50, Tiongson 18, Camson 15, Alolino 10, Cabagnot 8, Ramos 7, Munzon 5, Cahilig 4, Gomez de Liano 3, Javelona 0.
NLEX (114) – Clark 45, Trollano 26, Ganuelas-Rosser 22, Rosales 12, Nieto 9, Paniamogan 0, Celda 0, Miranda 0, Chua 0, Varilla 0.
QS: 40-30, 68-54, 93-85, 110-110, 124-114 (OT).