(294K pasahero noong Huwebes) RECORD-HIGH RIDERSHIP SA MRT-3

PUMALO ang daily ridership  ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa 294,621 noong Huwebes, mas mataas sa 293,290 record na naitala sa naunang araw.

Ito na ang pinakamataas magmula nang ipagpatuloy ng rail service ang operasyon nito sa gitna ng COVID-19 pandemic noong June 2020.

Sa isang post sa Facebook, sinabi ng MRT-3 na ang pagtaas ng bilang ng mga pasahero ay maaaring resulta ng  “Libreng Sakay” program nito, gayundin ng tinaasang maximum passenger capacity sa pamamagitan ng pagdaragdag ng dalawang four-car Czech CKD trains at isang Chinese Dalian train, bukod pa sa 18 three-car CKD trains na regular na bumibiyahe.

“Each four-car train is capable of carrying up to 1,576 passengers, an increase of 394 passenger capacity from its three-car trains,” ayon sa MRT-3.

Nasa 18 hanggang 21 trains ang tumatakbo sa MRT-3.

Makaraang matapos ang rehabilitasyon ng MRT-3, ang mga train nito ay tumatakbo ngayon sa maximum speed na 60 kilometers per hour— na nagpabilis sa oras sa pagitan ng mga train sa 3.5 hanggang 4 minuto mula sa dating 8.5 hanggang 9 minuto.

Ang free ride program ng MRT-3 bilang selebrasyon sa pagkakatapos ng rehabilitasyon at naglalayong maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis, ay nagsimula noong Lunes, Marso 28, at matatapos sa Abril 30. PNA