INATASAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang local government units na ihanda at isumite ang listahan ng mga pamilya na maaring makatanggap ng ikalawang tranche ng ayuda sa ilalim ng social amelioration program (SAP) ng gobyerno.
Hanggang Mayo 21 lamang ang ibinigay ng DILG sa mga LGU para maisumite ang listahan ng mga pamilyang maaring mabiyayaan ng ikalawang sigwada ng ayuda.
Sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na kabilang dapat sa isusumiteng listahan ng mga benepisyaryo ng second tranche ang mga low-income families pagkatapos ay saka ito iba-validate ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon sa kalihim, posibleng masama sa listahan ang mga hindi nabahagian ng unang tulong pinansiyal sa SAP na ipinamahagi nitong buwan ng Abril.
Tiniyak ni Año na mabibigyan ng ayuda ang mga pamilyang mapapasama sa listahan basta’t kuwalipikado sa panuntunan ng DSWD.
“’Wag po kayong mag-alala, tutulungan po kayo ng ating pamahalaan. We are giving the LGUs three days to submit their initial list to us in DILG and to the DSWD which in turn will validate that list,” wika ng kalihim.
Muling nagbabala si Año sa mga opisyal ng barangay na hindi nila sasantuhin ang mga ito sakaling dayain nila ang listahan. PILIPINO MIRROR Reportorial Team
Comments are closed.