PLANO ng Premier Volleyball League (PVL) na magdaos ng tatlong conference ngayong taon, kabilang ang season-ushering Open Conference na nakatakda sa susunod na buwan sa Paco, Manila o Tagaytay.
Target ng PVL na simulan ang season nito sa February 16, tampok ang 10 teams sa Paco Arena Events and Sports Center sa Maynila o sa Royale Tagaytay sa isang bubble setup.
“We’re looking at three conferences this year which will start with the Open Conference, hopefully, next month in a bubble set up,” wika ni PVL president Ricky Palou.
“We have Royale Tagaytay as our backup venue in case we won’t be allowed to hold our games in Manila,” dagdag pa niya.
Magugunitang ginanap ng liga ang Bubble Open Conference noong nakaraang taon kung saan namayani ang Chery Tiggo sa 10-team field.
Ayon kay Palou, tatakbo ang Open Conference ng tatlong buwan na may single round robin preliminaries.
Dalawang bagong koponan ang inaasahan namang lalahok sa Liga.
Target din ng Sports Vision na ilunsad ang PVL Asian Invitational mula July 2 hanggang August 7 sa hindi pa tinukoy na venue, kung saan iniimbitahan ang pambansang koponan at dalawang foreign squad.
Umaasa ang PVL na tapusin ang taon sa pamamagitan ng pagbabalik ng reinforced conference mula October 1 hanggang November 29.
Gayunman ay sinabi ni Palou na kailangan pa rin ng liga ng pahintulot ng gobyerno para maisakatuparan ang kanilang plano.
“Of course, it will depend on the approval of the IATF (Inter-Agency Task Force) and GAB (Games and Amusements Board),” aniya.