3 ‘K’ DAPAT TAGLAY NG MGA KANDIDATO

Henrietta de Villa

PINAYUHAN ng da­ting pinuno ng church-based poll watchdog ang mga botante na hanapin ang tatlong ‘K’ sa bawat kandidatong kanilang ihahalal sa nalalapit na May 13, 2019 National and Local Elections (NLE).

Ayon kay dating Ambassador Henrietta de Villa, na dati ring pinuno ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), bago magdesisyon kung iboboto ba ang isang kandidato ay dapat munang tiyakin ng mga botante ang “karakter, kakaya-han at katapatan” ng mga ito para sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.

Ipinaliwanag ni De Villa na mahalagang malaman na mabuting tao, may kakayahan sa pamumuno at matapat sa kanyang mga bibitawang mga pangako ang mga maluluklok na opisyal ng gobyerno.

“I-proseso ni’yo po ‘yung pagpili sa inyong kandidato na sila ay atleast merong tatlong ‘K’; Karakter – kasi kailangan malaman natin kung anong pagkatao nila kasi hindi mo maitatago ‘yun, lalabas at lalabas kung ano ‘yung ugali ng kandidato; pa­ngalawa po na sila ay may Kakayanan–kung tumatakbo sila bilang senador may kakayanan ba sila, may sapat na kakayanan para maging mabuting senador; pangatlo, Katapatan–kailangan ‘yung katapatan ng mga kandidato suriin natin, kilatisin natin, sila ba ay tapat sa mga pan-gakong ibinigay nila,” pahayag pa ni De Villa sa panayam sa church-run Radyo Veritas.

Nauna nang ipinaa­lala ni De Villa na ang hinahangad ng Simbahan ay maging matalino ang bawat botante sa pagboto para sa halalan.

Ang PPCRV ay ini­lunsad noong Oktubre 1991 sa layuning maging pangunahing tagapagbantay ng Simbahang Katolika sa pagkakaroon ng isang maayos at tapat na eleksiyon sa Fi­lipinas.   ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.