3 PANG GINTO SINISIDNG PH PARA SWIMMERS

NAPANATILI ng Filipino swimmers ang kanilang winning drive nang magdagdag ng tatlo pang gold medals, kung saan nakumpleto ni rookie Ariel Joseph Alegarbes ang sweep sa kanyang tatlong events sa isa pang meet record sa 11th ASEAN Para Games kahapon sa Jatadiri Sports Complex sa Semarang, Indonesia.

Mistulang torpedo si Alegarbes nang pagharian ang men’s 50-meterfreestyle S14 race sa bilis na 25.74 segundo sa pagkopo ng kanyang ikatlong sunod na gold medal, na dinuplika ang tagumpay ni female teammate Angel Otom noong Huwebes sa kampanya na suportado ng Philippine Sports Commission.

Kinubra ni fellow newcomer Marco Tinamisan ang kanyang ikalawang sunod na gold medal habang sa wakas ay nakamit ni Gary Bejino ang breakthrough matapos ang dalawang runner-up finishes. Nakopo ni Tinamisan ang gold sa men’s 100-meter freestyle S3 event sa oras na 1:54.15 habang dinomina ni Tokyo Paralympic veteran Bejino ang men’s 100-meter freestyle S6 race sa 1:13.80 upang palobohin ang gold ng PH para swimming team sa 12.

Umakyat na sa 24 golds, 23 silvers at 43 bronzes ang overall medal haul ng PH para-athletes, na nahigitan ang kanilang golden haul na 20 sa 2017 Malaysian edition makaraang walisin ang men’s chess P1 individual at team events noong Huwebes ng hapon.

Nag-ambag naman ng silvers sa kampanya ng bansa sina Marcelo Burgos at Angelo Manangdang, na sumasabak sa kanilang unang international tournament, sa men’s compound doubles sa archery at Andrew Kevin Arandia sa men’s singles event Class 9 ng table tennis.

CLYDE MARIANO