3-PEAT TARGET NG LADY BLAZERS

Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)

12 noon – EAC vs Perpetual (Men Finals)

2:30 p.m. – Letran vs Benilde (Women Finals)

SISIKAPIN ng College of Saint Benilde na makumpleto ang  three-peat sa Game 2 ng NCAA women’s volleyball tournament finals ngayong Linggo sa Filoil EcoOil Centre.

Lumapit ang Lady Blazers sa kanilang ikatlong sunod na korona matapos ang 25-21, 25-19, 25-14 pagdispatsa sa Letran Lady Knights sa Finals opener noong nakaraang Linggo, Mayo  19.

Magtatangka rin ang Benilde sa kanilang ika-4 na titulo sa kabuuan sa Game 2 na nakatakda sa alas-2:30 ng hapon.

Ang Letran (1977-80), San Sebastian (1982-84, 1986-88, 1990-96, 1999-2002, 2005-11), University of Perpetual Help System Dalta (2012-14) at Arellano University (2017-19) ang mga eskuwelahang nakakumpleto ng three-peat.

Ang isa pang titulo ng  Lady Blazers ay noong 2016, makaraang gulantangjn ang Grethcel Soltones-led Lady Stags sa isang epic championship series.

“’Yung Game 1, importante sa amin sabi ni coach (Yee) kasi ito ang magse-set ng tone ng championship. Pero ngayon, back-to-zero. Back-to-zero mentality,” wika ni Gayle Pascual.

“So mahaba pa, meron pang Game 2, possible na magkaroon ng Game 3,” dagdag pa niya.

Sa Game 1 ay humataw si  Pascual, ang Finals MVP noong nakaraang season, ng efficient 13-of-22 kills upang tumapos na may 14 points, habang gumawa rin si Michelle Gamit ng 14 points sa 11-of-19 spikes at 3 blocks para sa Benilde.

Naitala ni Zam Nolasco ang apat sa walong blocks ng Lady Blazers at ang isa pang player sa double digits na may 12 points habang gumawa si setter Clo Mondoñedo ng 15 excellent sets.