QUEZON – TATLO katao ang kumpirmadong nasawi at isa ang sugatan matapos madaganan ng 10-wheeler wing truck na may plakang NBQ-5280 ang isang pampasaherong jeep na may plaka namang DFZ-895 sa may Maharlika Highway sakop ng Brgy. Danlagan, bayan ng Lopez.
Kinilala ni PMaj Noel Divino, hepe ng Lopez-PNP, ang mga nasawing sina Arden Erivera, 43-anyos, driver ng jeep, residente ng Brgy. Biga Gumaca, Quezon; Joy Quintao, 36-anyos; at ang batang babae na si Cascmer Quintao Balindog, 5- anyos, na kapwa residente ng Jose Panganiban, Camarines Norte.
Bagaman malubhang nasugatan ay nakaligtas naman ang isang pasahero ng jeep na si Francisco Balinado, 36-anyos, na residente ng Panganiban, Camarines Norte na kasalukuyang ginagamot sa Magsaysay Memorial Hospital sa bayang nabanggit.
Base sa report ni PMaj Divino, bandang alas-4:30 kamakalawa ng hapon nang maganap ang aksidente kung saan ay patungong northbound ang truck nang mag-overtake ito at mag-overshoot sa kalsada bago nito madaganan ang kasalubong na pampasaherong jeep na patungo namang southbound.
Kasalukuyang nakakulong sa Lopez-PNP ang truck driver na si Randy Resos, 26-anyos, residente ng U3 Arandia St., Muntinlupa City at nahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide, physical injury and damage to property. BONG RIVERA
Comments are closed.