300K KOMYUTER NG MRT TIIS MUNA

MRT PASSENGERS

MAHIGIT 300,000 pasahero ang maaapektuhan ng tatlong taong rehabilitasyon ng MRT-3 na pasisimulan ngayong buwan

Ayon sa pamunuan ng Metro Rail Transit, nasa 72 light rail vehicles ng MRT-3 ang io-overhaul.

Kabilang din sa aayusin ang riles, power supply, signalling system, public address system at ang CCTV sa mga estasyon.

Ang proyekto ay  popondohan ng  ¥38.1 billion ( P18.76 billion o $362 million) na pautang ng Japan International Coope­ration Agency o  JICA.

Bukod sa coaches ay aayusin din ang mga sira-sira nang ele­vator at escalator sa 13 estasyon ng tren.

Ngayon pa lang ay humihingi na ng pang-unawa ang kompanya sa magiging epekto nito sa daan-daan libong pasahero ng tren kada araw subalit sa gitna ng  gagawing rehabilitas­yon, pipilitin umano ng MRT-3 na mapanatiling 15 tren ang bumibiyahe araw-araw.

“Tiis muna. Matapos ang rehabilitasyon ay malaking ginhawa naman ang mararanasan ng ating mga mananakay,” anang kompanya.

Kung kakailanganin naman ang suspensiyon ng operasyon sa kasagsagan ng rehabilitasyon ay gagawin ito kapag holiday para hindi maapektuhan ang maraming pasahero.

Kaugnay nito, sinisiguro ng pamunuan ng MRT-3 na walang pagtaas sa singil ng kanilang pamasahe matapos ang rehabilitasyon.  VERLIN RUIZ

Comments are closed.