NASA 38 porsiyento ng mga Pinoy ang nagsabing gumanda ang kanilang buhay sa nakalipas na 12 buwan, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Nasa 21 percent naman ang nagsabing sumama ang kanilang buhay, na nagresulta sa net gainers score na +17, na sa klasipikasyon ng SWS ay ‘very high’.
Isinagawa noong Marso 28 hanggang Marso 31 sa may 1,440 adult respondents, lumitaw sa survey na ang net gainers score ay patuloy na tumaas makaraang bumagsak sa -2 noong nakaraang Setyembre.
Ang net gainers ay tumaas din sa lahat ng classes maliban sa class E, kung saan bumaba ito ng apat na puntos, mula +12 sa +18, ayon sa SWS.
Lumabas din sa survey na kalahati ng mga Pinoy ang umaasa na mas magiging maganda pa ang kalagayan ng ekonomiya ng bansa sa susunod na 12 buwan habang 10 percent lang ang nagsabing lalala ang sitwasyon ng ekonomiya.
Tumaas ang optimism rate sa classes ABC at D habang bumagsak naman ng apat na puntos ang optimism rate sa class E.
“More than half of respondents who had optimistic outlooks came from Luzon (52 percent), followed by Mindanaoans (47 percent), and Metro Manila residents (42 percent),” sabi pa ng SWS.
Isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa mga respondent, ang survey ay non-commissioned. VERLIN RUIZ