400 TRUCKS NA BASURA NAHAKOT NG MMDA SA MANILA BAY

Manila bay

NASA kabuuang 3,018 cubic meters ng mga basura at burak o nasa kabuuang 400 trucks ang nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) mula sa Manila Bay at mga kalapit na estero sa loob ng halos apat na buwan bilang bahagi ng Manila Bay Rehabilitation Project.

Sa summary ng accomplishment mula Enero 27 hanggang Mayo 17 ng MMDA, sinabi ng MMDA Flood Control and Sewerage Management Office (FCSMO) na katumbas ng 400 dump trucks ang nahakot na mga basura at burak sa Manila Bay.

Kasama sa clearing operation ng FCSMO ang Manila Bay sa Roxas Boulevard, Estero San Antonio de Abad, Tripa De Gallina, Padre Faura Drainage Main, Remedios Drainage Main at iba pang esterong nakakonekta sa Manila Bay.

Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, bago pa man ilunsad ang Manila Bay rehabilitation project ay nagsasagawa na ang mga tauhan ng ahensya ng clean-up operations sa mga estero sa Kamaynilaan.

“Marami pa tayong kailangang gawin at  sa tuloy-tuloy na aksyon ng gobyerno at stakeholders ay maibabalik natin ang ganda at maaayos na kalidad ng tubig ng Manila Bay. Hinihikayat namin ang pakikiisa ng lahat sa paglilinis sa lugar,” ani Lim.

Ayon naman kay FCSMO Chief Baltazar Melgar, nasa 250 tauhan ng FCSMO ang naka-deploy sa mga estero na konektado sa Manila Bay at sial ay gumagamit ng mga heavy equipment para sa pag­lilinis gaya ng backhoe, barge, motorized banca, scow, mobile crane, at dump truck.

“Aabot sa Manila Bay ang mga basura at burak kung hindi ito maaalis,” ani Melgar.

Inilunsad noong Enero 27 ang Manila Bay rehabilitation sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Target ng proyektong malinis at masigurong walang basura ang Manila Bay at paligid nito sa pamamagitan ng dredging at desilting. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.